DepEd: Higit 21M estudyante enrolled na para sa SY 2022-2023

DepEd: Higit 21M estudyante enrolled na para sa SY 2022-2023

August 16, 2022 @ 6:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Mahigit 21 milyong estudyante ang enrolled na para sa School Year (SY) 2022-2023, ilang araw bago ang muling pagsisimula ng klase, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Martes.

Batay sa pinakabagong datos mula sa DepEd Learner Information System (LIS), may kabuuang 21,272,820 estudyante sa buong bansa ang rehistrado na para sa incoming school yearmula nang umarangkada ang enrollment period noong Hulyo 25 hanggang kaninang alas-7 ng umaga.

Sa bilang na ito, 18,722,393 estudyante ang nag-enroll sa public schools, 2,478,488 sa private schools habang ang 71,939 ay mula sa state universities and colleges at local universities and colleges.

Naitala ang pinakamataas na bilang ng enrollees sa Region IV-A na may 3,070,451. Sinundan ito ng Region III sa bilang na 2,366,003 at Metro Manila sa 2,295,245.

Nauna nang ipinaalala ng DepEd DepEd sa publiko na ang huling araw ng pagpapatala ay sa Agosto 22, o sa unang araw ng klase.

Pwedeng magpatala ang mga mag-aaral in person, remotely, o sa pamamagitan ng drop box forms.

HInikayat din ng DepEd ang publiko na patuloy na tumalima sa minimum public health standards upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, papayagan ang blended learning schedules at full-distance learning hanggang Oktubre subalit pagsapit ng Nobyembre, iginiit ng DepEd na lahat ng public at private schools sa bansa ay kailangang magpatupad ng limang araw na in-person classes. RNT/SA