DepEd hinimok na maglabas ng datos sa COVID cases sa mga paaralan

DepEd hinimok na maglabas ng datos sa COVID cases sa mga paaralan

October 24, 2022 @ 2:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni public health expert Dr. Tony Leachon ang Department of Education (DepEd) na maglabas ito ng datos sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga paaralan.

Ito ay ilang linggo bago ang pagbabalik ng inaasahang full in-person classes sa mga pampublikong paaralan at ng pagpasok ng XBB at XBC variant ng sakit.

Sa isang online press conference, sinabi ni Leachon na dapat ay maging bukas ang DepEd sa mga datos upang matulungan din ang mga paaralan at komunidad na tumugon sa insidente ng mga outbreak.

“I think for the safety of the kids, we need to be transparent about our data,” ani Leachon na dating adviser ng COVID task force ng pamahalaan.

“Wala naman may gusto na hindi pumasok but how can we protect ourselves if we are not empowered, educated and engaged about our data?” dagdag niya.

Inaasahan na rin niya na “underreported” ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil ang binibilang lamang ng Department of Health ay ang mga resulta mula sa RT-PCR tests.

“The report right now by the Department of Health … may be underreported kasi ang nire-report lang, usually ‘yong RT-PCR [tests]. I think ang mode of diagnosis natin ay rapid antigen tests, so I expect na underreported ‘yan,” sinabi ni Leachon.

Sa ngayon ay wala pang tugon ang DepEd patungkol dito. RNT/JGC