DepEd humirit ng P848B badyet sa 2023

DepEd humirit ng P848B badyet sa 2023

August 5, 2022 @ 7:39 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Humirit ang Department of Education (DepEd) ng P848 bilyon sa 2023 budget para pangasiwaan ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan matapos ang dalawang taong distance learning.

Sa kabila nito, binawasan ng ng Department of Budget Management (DBM) ang nasabing hirit na badyet sa P701B.

Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa sa joint press briefing kasama ang Office of the Vice President noong Huwebes, Agosto 4, na inapela nila ang desisyon ng (DBM) na bawasan ang kanilang panukala sa P701 bilyon.

“We’re standing firm on our budget proposal kasi kailangan po natin ‘yan so we’re making our arguments in the Congress when the time comes. But we’re also appealing to the DBM to allow us to have the entire P848 billion,” ani Poa.

Maliban dito, sinabi ni Poa na humiling na ang DepEd sa pangunguna ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ng karagdagang P16 bilyon para sa pagsasaayos at pagpapatayo ng mga silid-aralan, bagama’t aniya, kailangan pa rin ng karagdagang P2.1 bilyon para maayos ang mga silid-aralan na nasira ng kamakailang lindol.

Sa ngayon, natukoy na ng DepEd ang 427 na mga napinsalang paaralan sa magnitude 7 na pagyanig na tumama sa Northern Luzon noong nakaraang linggo. Sa kabila nito, sinabi ni Poa na magpapatuloy pa rin ang klase sa mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Agosto 22.

Idinagdag ni Poa na tinitingnan ng DepEd ang pagbibigay ng pansamantalang learning spaces at pakikipag-ugnayan sa mga local government units para sa mga bakanteng lugar. RNT