DepEd: Kahit Alert Level 2, F2F classes tuloy!

DepEd: Kahit Alert Level 2, F2F classes tuloy!

June 16, 2022 @ 8:21 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tuloy pa rin ang face-to-face classes para sa susunod na academic year kahit na ang alert status sa ilang lugar ay itataas sa Alert Level 2, sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules.

“Doon sa protocol natin, safe pa rin ang face-to-face classes as long as Alert Level 1 and 2. ‘Pag tayo ay nag-Alert Level 3, automatic na sususpendihin natin ang ating in–person classes,” ani DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa panayam ng dzBB.

Sa “progressive expansion” phase ng face-to-face classes para sa parehong pampubliko at pribadong paaralan, sinabi ng DepEd na ang mga paaralan ay dapat ma-validate bilang sumusunod sa mga pamantayan ng School Safety Assessment Tool (SSAT) at matatagpuan sa mga lugar sa ilalim ng Alert Levels 1 at 2 batay sa periodic risk assessment ng Department of Health (DOH).

Nauna nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na inaasahan ng DepEd na ang lahat ng paaralan sa bansa ay magkakaroon ng face-to-face classes sa Hunyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Gayunman, binanggit ni Garma na ang opisyal na petsa ng pagpapatuloy ng face-to-face classes para sa susunod na school year ay hindi pa ipahayag ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa ating inilabas na pahayag, ang ating indicative phase na opening of schools ay August 24 pero hindi pa final date ‘yan,” paglilinaw niya.

“Pero ‘yung mga private schools natin, pwede silang magbukas ng klase nang mas maaga doon sa takdang araw ng idedeklara ng ating Pangulo basta hindi ito mas maaga sa Hunyo at hindi magiging later than September,” dagdag pa ng opisyal.

Inulit din ng DepEd executive na hindi kinakailangan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga mag-aaral na sasali sa mga in-person classes, ngunit sila ay lubos na hinihikayat na gawin ito.

Samantala, binigyang-diin niya na tanging ang mga nabakunahang guro lamang ang pinapayagang magsagawa ng face-to-face classes, kung saan hindi bababa sa 90% sa kanila ang nakakumpleto na ng kanilang pangunahing serye ng bakuna.

Nagsimula ang pilot testing ng face-to-face classes sa bansa noong Nobyembre 2021 para sa mga pampubliko at pribadong paaralan na napapailalim sa mahigpit na protocol sa kalusugan. RNT