DepEd kinalampag ni Win: Sumali sa pediatric vaccination

DepEd kinalampag ni Win: Sumali sa pediatric vaccination

March 28, 2022 @ 6:30 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Upang lalo pang mapalawig ang face-to-face classes sa buong bansa, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magkaroon ng maigting na pakikilahok sa pediatric vaccination laban sa COVID-19.

Sa Executive Order No. 166 s. 2022, kung saan nakasaad ang Ten-Point Policy Agenda on Economic Recovery, binibigyang prayoridad ang pagpapalawig ng vaccination program at ang pagbabalik ng face-to-face classes. Ipinapanawagan ni Gatchalian ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes, bagay na aniya’y makatutulong sa pagbangon ng ekononomiya at ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19.

Nababahala ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na iilan pa lang o 736,143 pa lamang ang kabataang may edad na lima hanggang labing-isa ang fully vaccinated laban sa COVID-19. Ito ay batay sa datos ng Department of Health (DOH) buhat nitong Marso 25.

Balak ng DOH na bakunahan ang 15.56 milyong kabataan sa naturang age group. Wala pang dalawang (1.8) milyon sa naturang age group ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna. Para naman sa mga mag-aaral na 12 hanggang 17 taong gulang, umabot na sa 8.9 milyon ang fully vaccinated.

Isinusulong ni Gatchalian ang pakikilahok ng mga paaralan sa programang pagbabakuna ng pamahalaan laban sa COVID-19. Ayon sa mambabatas, mas mapapadali ang pagtukoy, pag-organisa, at pagmonitor ng mga mag-aaral na maaari nang makatanggap ng COVID-19 vaccine.

 “Kung mababakunahan natin ang ating mga kabataan laban sa COVID-19, hindi lamang natin matitiyak ang ligtas nilang pagbabalik sa face-to-face classes. Makatutulong din ito sa muling pagbangon ng sektor ng edukasyon at ng buong ekonomiya ng ating bansa,” ani Gatchalian.

Buhat nitong March 22, may 14,396 na pampubliko at pribadong mga paaralan ang nominado na para sa progressive expansion ng limited face-to-face classes. May 10,196 paaralan, kabilang ang 212 na pribadong paaralan, ang kasalukuyang nakikilahok sa limited face-to-face classes.

Ilan sa mga nominadong paaralan ang hindi pa nakakapagsimula dahil hinihintay pa nila ang pahintulot mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan na isa sa mga requirements sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes. Kamakailan lang ay hinimok ni Gatchalian ang local government units (LGUs) na pahintulutan na ang mga paaralang magsagawa ng face-to-face classes upang mapabilis ang pagbubukas ng mas marami pang mga paaralan.

Inaasahan namang maglalabas ang DepEd at DOH ng mas maluwag na guidelines at requirements para sa pagkakaroon ng limited face-to-face classes. Ernie Reyes