DepEd makikipag-ugnayan sa DPWH para sa full F2F classes

DepEd makikipag-ugnayan sa DPWH para sa full F2F classes

July 26, 2022 @ 4:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para tiyaking handa ang mga paaralan sa pagsisimula ng School Year 2022–2023 sa Agosto 22.

“Sa ngayon, we are really coordinating po… magkakaroon ng inter-agency coordination. Tulad na rin ng sabi ng Pangulo sa SONA, we will be coordinating closely with DPWH to ensure na ready ang ating mga paaralan, mga eskwela lalo na sa imprastraktura,” ani DepEd spokesperson Atty. Michael Tan Poa.

Sinabi ni Poa na may ilang bagay na kailangan pang ilatag sa DPWH bilang paghahanda sa darating na academic year.

“Although there are preparations that were done, sa ngayon po talaga, alam natin and we recognize na may konting kulang pa. That’s why we’re still coordinating with the DPWH to ensure na hindi tayo mabibigla sa pagbabalik ng in-person classes natin,” aniya pa.

Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panahon na para sa mga estudyante na bumalik sa in-person classes.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Lunes na ang DepEd ay makikipagtulungan sa pambansa at lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at internasyonal na mga kasosyo upang madagdagan ang pamumuhunan sa edukasyon.

Ang School Year 2022-2023 ay magbubukas sa Agosto 22 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.

Sinabi ng DepEd na ang mga paaralan ay papayagan lamang na magsagawa ng blended learning schedules at full-distance learning hanggang Oktubre 31, habang simula sa Nobyembre 2, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat na lumipat sa limang araw ng in-person classes.

Para sa unang araw ng enrollment, iniulat ng DepEd noong Lunes na mahigit 2.8 milyong estudyante sa buong bansa ang nagparehistro para sa papasok na school year. Ang panahon ng pagpapatala ay mula Hulyo 25 hanggang Agosto 22. RNT