DEPED, MAY MGA PINAPABORAN?

DEPED, MAY MGA PINAPABORAN?

September 22, 2022 @ 2:10 PM 1 week ago


DAPAT nang matuldukan ang pagkakaroon ng mga pinapaboran sa procurement system ng gobyerno. Kulang na lang ay akusahan ng Commission on Audit  ang  procurement agencies o departmental bidding committees ng pagkakaroon ng mga “pinapaborang suppliers.”

 

Gayunman, paulit-ulit na nangyayari na natutuklasan sa  audit reports ang mga anomalya sa pagbili ng gobyerno, kung saan ang isang supplier ay suki na ng mga kontrata ng pamahalaan. May mga pagkakataon pa ngang wala namang hawak na supply ang nanalong bidder at kailangan pang bumili mula sa iba pang distributors.

 

Sa kanyang pag-aaral sa mga nakalipas na transaksiyon ng Department of Education, natukoy ni Senator Jinggoy Estrada na ang suppliers ng sinasabing overpriced pero lumang laptops para sa mga guro ay sila-sila rin daw na mga laging nakakakopo ng mga kontrata sa nakalipas na mga taon. Hinala niya, may nangyayaring anomalya.

 

Inirerespeto ko ang opinyong ito ni Estrada. Sa palagay ko, wala nang mas mahusay pang makatunog ng anomalya sa Senado kaysa kanya. Ano sa palagay n’yo?

*        *        *

Para sa akin, walang bahid ng pagdududa at hindi hamak na mas importante ang epektong panlipunan kaysa pang-ekonomiyang pakinabang na nakukuha ng bansa sa operasyon ng tinatawag na Philippine Offshore Gaming Operators .

 

Gusto kong maniwalang tunay at seryoso ang inihayag kamakailan ni President Ferdinand Marcos, Jr. na pinag-iisipan na niyang ipagbawal ang mga POGO sa bansa. Ang simpleng pagkakaroon lamang nito sa atin ay labis nang nakakaapekto sa moralidad natin bilang isang bansa.

 

Marahil, dapat nating bigyan ng pagkakataon si Gen. Rodolfo Azurin Jr. na tuparin ang ipinangako niyang susuyurin ng Philippine National Police ang mga dayuhang hindi dokumentado at overstaying, na sangkot sa POGOs.

 

Tiwala akong malalambat niya ang daan-daang libo ng mga ilegal na dayuhang ito – na ang ilan ay nasa likod ng lumalalang kriminalidad sa bansa, tulad ng kidnapping.

*        *        *

Matalino ang naging hakbangin ng mga abogado ni Deniece Cornejo na magpalabas ng warrant para sa aktor na si Vhong Navarro para sa isang kasong maaari nitong piyansahan upang mapasuko ito sa National Bureau of Investigation. 

 

At habang ipinoproseso ang kasong acts of lasciviousness laban dito, sinuwerte ang hukom na nag-isyu ng isa pang warrant para naman sa kaso ng panggagahasa, na walang piyansa. At dahil nasa kustodiya na nila, tuluyan nang nadetine si Mr. Ferdinand Navarro (sa tunay na buhay).

 

Asam nating maging maayos ang pagtrato sa komedyanteng ito sa loob ng piitan. Ang balita ko, ang “supremo” daw sa kulungang iyon ng  NBI ay may matitinding koneksiyon, bilang pamangkin daw ito ng isang dating senador. ‘Yun nga lang, magastos ang VIP treatment sa mga kulungan, kung tama ang dinig ko.

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.