DepEd naghahanap ng iba pang funding sources sa 165K classroom gap

DepEd naghahanap ng iba pang funding sources sa 165K classroom gap

March 17, 2023 @ 9:49 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inaalam na ng Department of Education ang iba pang posibleng mapagkunan ng pondo na gagamitin upang tugunan ang kakulangan sa mga klasrum sa bansa.

Sa panayam nitong Huwebes, Marso 16, sinabi ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing na matutugunan ng ahensya ang classroom gap sa loob ng pitong taon kung mayroon itong P100 bilyon na badyet para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan taon-taon.

“The shortage of new classrooms is around 165,000. We’re already looking at seven-year projection to address this gap, but we need ?100 billion a year to be able to zero out the shortage of classrooms all over the country,” sinabi ni Densing.

Noong 2022, binigyan ang DepEd ng nasa P15.6 bilyon na pondo para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan, o katumbas ito ng 6,421 bagong classrooms para sa taong 2023.

Aniya, tinitingnan ng ahensya ang pagpapaayos at renovation ng ilang classroom upang masolusyunan ang kakulangan sa mga pasilidad.

“For this year, our goal is to focus on classrooms that needed repairs and rehabilitation, 20,830 being able to house learning facilities [for] more than 80,000 students,” paliwanag ni Densing.

Sa kaparehong araw, nagbigay ang pamahalaan ng Japan ng nasa P25.2 milyon na pondo sa ilalim ng Grant Assistance for Grass-Roots Human Security Projects (GGP).

Pumirma ng kontrata si Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko para sa pagpapatayo ng two-story six-classroom elementary school building sa Ilog, Negros Occidental.

Ang GGP scheme ay inilunsad ng Japan noong 1989 at nakapagpatupad na ng 553 grassroots projects.

Nagpasalamat naman si Densing sa pamahalaan ng Japan sa tulong nito upang matugunan ang kakulangan sa mga classroom.

“We’re very happy these are sources where we can put up classroom that are outside our budget so this is our strategy right now with the shortage of classrooms all over the country we’re looking sources outside our national budget,” dagdag pa niya.

“This donation of Japan is a welcome development we are also looking at civil society organizations, non-government organizations, business groups to address the gap.” RNT/JGC