DepEd nagluluksa sa nasawing mga guro sa Sorsogon road crash

DepEd nagluluksa sa nasawing mga guro sa Sorsogon road crash

January 29, 2023 @ 11:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagluluksa ang Department of Education sa Sorsogon matapos masawi ang dalawang guro nito sa nangyaring road crash sa Castilla, ng nasabing probinsya.

Sa pahayag nitong Sabado, Enero 28, sinabi ng DepEd Sorsogon na magbibigay ito ng tulong pinansyal sa mga naulilang pamilya.

“They could have already gone to the comfort of their home and family when classes were suspended at noon that day but chose to remain and serve in preparing the classrooms and other necessities for the National Achievement Test this Monday [Jan. 30], not knowing that misfortune lurks in their way,” saad sa pahayag.

Kinilala ang dalawang nasawing public school teachers na sina
Maribel Pardillo at Karen Maquiñana, kapwa 45-anyos na nagtuturo sa San Rafael National High School sa Castilla.

Maliban dito, sinabi naman ni Lt. Colonel Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Police Regional Office, na may apat iba pang nasawi sa malagim na aksidente sangkot ang isang pampasaherong jeepney at truck.

Ito ay kinilalang sina Erik Dino Deonida, 19; Heidy Albao, 58; Amparo Bajaro, 60; at Janelle Abarientos, 17.

Sugatan naman ani Calubaquib, ang driver ng jeep na si Rodolfo Licup Jr., 53, at 13 iba pang pasahero.

Sa imbestigasyon, nag-counterflow sa isang kurbada ang jeepney dahilan para makabungguan nito ang truck na minamaneho ni Marlon Lorenzo, 51-anyos.

Dinala si Licup sa ospital para gamutin habang si Lorenzo naman ay nasa kustodiya ng pulisya.

Ayon sa mga awtoridad, nahaharap si Licup sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injury, at damage to property. RNT/JGC