DepEd oks sa blended learning sa 52 public schools simula Nobyembre

DepEd oks sa blended learning sa 52 public schools simula Nobyembre

November 3, 2022 @ 7:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinayagan ng Department of Education  (DepEd) ang naging kahilingan ng 52 public schools na ipagpatuloy ang blended learning methods sa kabila ng naging kautusan ng departamento na pagpapatuloy ng face-to-face classes simula ngayong buwan ng Nobyembre.

May ilang eskuwelahan kasi ang tumaas ang bilang ng mga estudyante  habang nagkulang naman ang mga silid-aralan.

Hinihintay naman ng  DepEd Central Office ang report mula sa mga rehiyon para  matukoy kung ilan pa ang mga eskwelahan na magsasagawa ng blended o full distance learning.

“We want to bring the learners back in school but we have to bring them back safely also so that is why under the mandatory DO, we also provided room for exemption depending on the situation,” ayon kay  DepEd spokesperson Atty. Michael Poa.

“As the Vice President and Secretary for Education Sara Duterte has mentioned, we are now studying also the possibility of institutionalizing blended learning. Baka isa po yan sa magiging solution natin sa mga shortages natin ngayon,”  winika pa ni Poa.

Samantala, maaari namang alisin na ng mga estudyante at guro na dumadalo sa face-to-face classes  ang kanilang face masks kahit pa sa loob ng silid-aralan  matapos na ihayag ng DepEd na sumusunod sila sa umiiral na national policy na pinapayagan ang  optional masking indoors at outdoors sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Since this is voluntary, mapapansin din naman natin kahit yung mga bata parang sanay na rin na may masks so ang bilin natin ay magmask pa rin, hindi naman siguro paglabag yun,” ayon kay DepEd NCR director Dr. Wilfredo Cabral. Kris Jose