DepEd, pumalag sa paninisi sa kagawaran dahil sa “MaJoHa” issue

DepEd, pumalag sa paninisi sa kagawaran dahil sa “MaJoHa” issue

April 13, 2022 @ 4:38 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pumalag ang opisyal ng Department of Education (DepEd) sa umano’y tila paninis isa kagawaran kasunod ng maling sagot ng mga teen housemate sa “Pinoy Big Brother” sa mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kamakailan lang nang mag-viral sa social media ang maling bansag ng teen housemates sa tatlong Paring Martir na GomBurZa, na tinawag nilang “MaJoHa” na hinango sa unang pangalan ng mga ito sa halip na sa apelyido.

Dahil dito, marami ang nagsabing dapat na paigtingin pa ng kagawaran ang pagtuturo ng kasaysayan at silipin ang Sistema ng edukasyon sa bansa.

Giit ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio, hindi naman patas na “ipako sa krus” ang DepEd dahil sa insidente.

Aniya, dapat na maunawaan na ang pagkatuto ay hindi lang responsibilidad ng DepEd at ng mga guro.

“Mali ‘yong sagot at dapat paigtingin talaga ang pagtuturo ng napakamahahalagang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating pagiging mga Pilipino at importante iyong kasaysayan. Pero kung ipapako naman sa krus ang DepEd sa mga ganoong sagot ng mga sumasali sa mga ganyang palabas ay parang unfair naman,” ani San Antonio.

Mungkahi naman ni Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, ibalik ng DepEd ang pagkakaroon ng dedicated subject para sa Philippine history sa high school, na inalis noong 2014.

Paglilinaw naman ni San Antonio, natatalakay pa rin ang Philippine history sa high school.

“Hindi naman natin inaabandona ang Philippine history sa high school… ‘Pag inaral mo ‘yong Asian history ang lens mo ay iyong kasaysayan ng Pilipinas… ‘yon namang World History, ganoon din,” paliwanag ng opisyal. RNT/ JCM