DepEd sa Christmas parties ‘walang pwersahang ambagan’

DepEd sa Christmas parties ‘walang pwersahang ambagan’

December 4, 2022 @ 3:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Education sa pamamagitan ng paglalabas ng panuntunan sa pagsasagawa ng mga Christmas party sa mga paaralan at opisina na bawal ang pwersahang ambagan.

Ito ay kasabay ng papalapit nang Kapaskuhan kung saan inaasahan na magbabalik na makalipas ang dalawang taon ng COVID-19 pandemic ang mga Christmas party sa mga opisina at paaralan.

Sa kautusan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na may petsang Disyembre 2, sinabi nito na dapat ay maging simple pero makabuluhan ang selebrasyon ng Pasko sa mga pampublikong paaralan at mga opisina ng DepEd.

Ito ay dahil na rin sa mahirap na buhay at ekonomiya ng bansa na mahal ang mga bilihin.

Batay sa kautusan, dapat ay boluntaryo at hindi pwersahan ang magiging ambagan ng mga magulang, estudyante o empleyado ng DepEd.

“No learner or DepEd personnel should be forced to contribute, participate or use their money for the celebration,” saad dito.

Wala rin dapat estudyante na hindi makakasali sa Christmas party dahil lamang sa hindi ito nakapag-ambag o nagdala ng regalo.

Sinabi rin ng DepEd na gamitin na lamang ang mga lumang Christmas decorations at hindi nila sinasang-ayunan ang pagbili ng mga bagong dekorasyon sa mga paaralan.

Dagdag pa, dapat ay pasok sa oras ng klase ang gagawing Christmas party at hindi dapat makaapekto sa scheduled lesson plan.

Samantala, sinabi rin ng ahensya na maaari ring gawing gabay ang inilabas na panuntunan ng DepEd sa Christmas party ng mga pribadong paaralan, community learning centers, state o local universities at mga paaralan sa Kolehiyo. RNT/JGC