DepEd supplier umalma sa pagkumpara sa laptop

DepEd supplier umalma sa pagkumpara sa laptop

October 24, 2022 @ 8:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng grupo sa likod ng joint venture na iniuugnay sa umano’y overpriced laptops na ibinigay sa Department of Education (DepEd) na ang comparison testing ng Commission on Audit (COA) sa isa sa computers nito laban sa isa pang brand ay “totally unfair and uncalled for.”

Sinabi ng Sunwest Construction and Development Corp. (SCDC) at LDLA Marketing & Trading, Inc. (LDLA) na sa comparative test na iprinesenta sa Senado, itinapat ang kanilang laptop na may Intel Celeron 11th Generation processor sa laptop na may Intel i5 processor.

“The supplied Dell laptop with Intel Celeron was compared to an i5 processor even if no bidder offered an i5 processor during the bidding. While it may be conceded that the i5 processor is faster, it is irrelevant for the purposes of assessing the bid,” sabi ng grupo.

Ipinagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes ang hearing sa umano’y overpriced at outdated laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sahearing, iprinesenta ng COA ang isang video kung saan makikita ang 30-second difference sa boot times sa pagitan ng laptop na binili sa ilalim ng Bayanihan II funds at isa pang laptop na may similar market price na halos ₱50,000 hanggang ₱60,000.

“It’s unfair to compare our supplied laptop on the basis of processing speed alone. There are other costs that go into the supplied price which the COA may not be aware of,” giit ng grupo. “If the agency estimate was too low or excessive, then more bidders should have bidded at prices very much lower. Instead, only two bids were submitted with a minimal price difference.”

Inilahad ng joint venture na walang i5 processors na available sa loob ng timeframe na nakasaad sa bid kahit na advance notice. Mayroon lamang inialok na dalawang brand ng laptop at ang bid price difference sa pagitan ng mga ito ay 10%, base sa grupo.

Pinagpapaliwanag ng audit body ang DepEd ukol sa rason ng pagbili ng kabuuang 39,583 units na nagkakahalaga ng tig-P58,000 samantalang ang approved price ay ₱35,046.50 lamang.

Ang kabuuang halaga ng purchase ay ₱2.4 bilyon, na nakuha ng SCDC at LDLA.

Ukol sa kalidad ng mga computer, nanindigan ang SCDC at LDLA na kaunti lamang sa 39,000 supplied laptops ang may minor issues. RNT/SA