DepEd target tumanggap ng 10K guro sa sunod na school year

DepEd target tumanggap ng 10K guro sa sunod na school year

September 26, 2022 @ 8:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Target ng Department of Education (DepEd) na tumanggap ng halos 10,000 guro para sa School Year 2023-2024, ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng ahensya, nitong Linggo.

Inihayag ni Poa ang plano para sa susunod na school year, at inamin na kabilang sa mga kinahaharap na hamon para sa kasalukuyang academic year ang kakulangan ng mga guro, bukod pa sa kakulangan ng school infrastructure at furniture.

“We have already issued a memorandum around end of [August] to fill up all teaching items na existing sa ating field offices ngayon para po talaga siguro ma-reinforce natin ‘yung teaching complements. Next year nga, we’re planning to hire around 10,000 teachers,” aniya.

Tinukoy ni Poa was ang DepEd Memorandum No. 76 s. 2022 na naglalayon ng “adequate teacher workforce” sa pagbubukas ng School Year 2022-2023.

Kabilang sa mga problema ang sa pagbabalik ng face-to-face classes ay ang kakulangan sa mga guro at silid-aralan.

Iginiit naman ni Poa na ang pagtanggap ng 10,000 guro sa susunod na school year ay “realistic,” habang hinihintay ang pagpayag sa proposed budget para sa fiscal year 2023.

“We have to look at our budget constraints and of course, ‘yung application process. Hindi naman po ‘yan we just hire and hire without screening and having the application process. So, I think, realistic naman po ‘yung 10,000, although of course, we would’ve wanted more but talaga pong may budget constraints tayo,” sabi niya.

“Tingnan po natin. We cannot solve these problems overnight or in over maybe a year’s time. Pero talagang ginagawa natin ang makakaya natin para unti-unti, talagang maresolba na natin ‘yung tinatawag natin na perennial problems sa ating mga paaralan,” dagdag ni Poa. RNT/SA