DepEd teachers, makatatanggap ng P1K cash incentive sa Miyerkules; QC teachers binigyan ng laptop

DepEd teachers, makatatanggap ng P1K cash incentive sa Miyerkules; QC teachers binigyan ng laptop

October 4, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang makatanggap bukas, Oktubre 5,  ng tig-P1,000 cash incentive  ang 925,178 guro sa bansa.

Sinabi ng Department of Education (DepED) na bahagi ito ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day.

Ani DepEd spokesperson Michael Poa, ang  World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB) ay  naka-download na para ipamahagi bukas.

Sa panig naman ng House Committee on Appropriations, ang pondo na nagkakahalaga ng P925 milyong piso ay kabilang sa  national budget ngayong taon.

“We have an itemized sum of P925 million that is meant to pay for the WTDIB of our teachers this year. We wish to assure our teachers that we in Congress are absolutely determined to sustain the annual funding for their WTDIB,” ayon kay Quezon City Representative Marvin Rillo.

Ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day ay alinsunod sa  Republic Act No. 10743 o “An Act Declaring the fifth day of October of every year as the National Teachers’ Day, in subjection also to the set celebration of the United Nations Education and Cultural Organizations (UNESCO).”

Samantala, inaasahan naman na pangungunahan ni  Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang NTC celebration  ngayong taon sa Bangued, Abra.

Inaasahan naman na kikilalanin ang mga natatanging guro at Global Teacher Prize Ambassadors sa nasabing event.

Samantala, namahagi naman  ng 1,000 unit ng laptop si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa public school teachers at child development workers bilang tulong sa kanilang teaching needs.

Mismong si Belmonte ang nanguna sa ceremonial turnover ng karagdagang 1,000 laptops para sa public elementary at high school teachers, at 50 laptops para sa child development workers sa public daycare centers ng QC.

“Sa Quezon City, pinapahalagahan natin ang edukasyon kaya patuloy ang ating pagsuporta sa mga paaralan mula sa mga mag-aaral hanggang sa mga guro. Nakikipag-ugnayan din tayo sa SDO at SSDD para masiguro natin na sapat ang suporta na ibinibigay natin sa kanila,” ayon kay Belmonte.

Ayon sa QC government ang 1,000 na laptop ay bukod pa sa 5,593 na laptop na una nang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan.

Kaugnay nito binigyan din ni Belmonte na libreng internet connectivity at monthly at quarterly allowances ang mga guro.

Samantala nakatanggap naman ng mga service vehicles ang mga eskwelahan.

Pinaigting din ng lokal na pamahalaan ang capability ng  daycare centers sa pamamagitan ng pagbibigay ng  96,440 storybooks sa mga estudyante pati na ang school supplies, hygiene kits, medical supplies, at food packs.

Kaugnay nito binigyan naman ng “Handang Magbasa Manuals” ang mga magulang at ang mga child development workers.

Simula nang mag umpisa ang klase noong Agosto 22, namahagi na ang lokal na pamahalaan ng school supplies sa 450,000 na estudyante at  SPED students.

Binigyan din ng mga tablets ang  Grades 4 hanggang 12 students sa public schools; 710,371 learning kits, 6,875,846 modules, at 430,438 hygiene kit. Kris Jose/Santi Celario