DepEd: Walang koleksyon ng pera sa Brigada Eskwela

DepEd: Walang koleksyon ng pera sa Brigada Eskwela

August 9, 2022 @ 8:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd)  ang mga school head na walang dapat mangolekta ng pera mula sa mga magulang o stakeholder sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela ngayong taon.

Ginawa ng DepEd ang pahayag bilang tugon sa mga ulat na ilang guro ang umano’y nanghihingi ng mga materyales tulad ng pintura upang ayusin ang mga silid-aralan bago ang pagpapatuloy ng personal na klase sa Agosto 22.

 

(c) Danny Querubin

“[S]chool heads are reminded that in the implementation of 2022 Brigada Eskwela (BE), no fee shall be collected from parents/guardians or solicited from other volunteers and stakeholders, based on DepEd Order No. 062, s. 2022,” anang Kagawaran.

Sinabi ng DepEd na tutugunan ng Brigada Eskwela ang learning resource gaps para sa mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapalakas ng partnership sa local at national level.

“Ang Brigada Eskwela ay nakaangkla sa diwa ng ‘bayanihan’ at naging prime mover ng volunteerism at community involvement sa DepEd,” dagdag nito.

Noong Agosto 1, opisyal na sinimulan ng DepEd ang nationwide Brigada Eskwela para sa School Year 2022-2023. Ang inisyatiba na ito ay karaniwang nagsasangkot ng paglilinis, muling pagpipinta, at paggawa ng mga kinakailangang pagkukumpuni sa mga pampublikong paaralan upang maihanda ang mga ito bago ang muling pagbubukas ng mga klase. RNT