Deployment ban sa India, ikinasa – POEA

Deployment ban sa India, ikinasa – POEA

December 6, 2022 @ 5:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ipinatigil ng pamahalaan ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa India matapos pumalya ng huli na makaabot sa criteria upang makonsiderang “compliant” destination country, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) nitong Martes.

Kinumpirma ni POEA officer-in-charge Bernard Olalia ang deployment ban na epektibo nitong Lunes, sa parehong araw na nag-abiso ang ahensya ukol dito.

Sinabi ng opisyal na idineklara ang India na “non-compliant destination country” base sa impormasyon sa POEA mula sa Philippine Embassy sa New Delhi.

Ipinaliwanag niya na hindi naabot ng bansa ang tatlong kondisyon upang mapapayag ang Department of Foreign Affairs (DFA).

“Isa po rito na napaka-importante, dapat may mga batas po sila, ‘yung tinatawag nating domestic or local laws, that protect the rights of Filipino migrant workers,” aniya.”Unfortunately, napag-alaman po ng DFA wala po silang ganon.”

Idinagdag ni Olalia na bagama’t sinusuportahan ng India ang 1990 United Nations Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families, “it has neither signed nor ratified it”– isa pang criterion na hindi naabot.

Pangatlo, sinabi niya na kinakailangan ang bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at India para payagan ang deployment.

Batay sa datos ng POEA, kasalukuyang mayroong halos 2,000 documented temporary Filipino migrants sa India.

“Based on our records, hindi naman gano’n kalaki ‘yung atin pong deployment sa India,” aniya.

“For example, if we take ‘yung records po natin, ‘yung ating 2021 record of deployment, nasa mahigit 30 lang po yung ating na-deploy doon,” paliwanag ni Olalia. “Prior to that, nung panahon po ng pandemya nung 2020, meron pong mahigit 50.”

Tiniyak naman ni Olalia na handa ang Philippine Embassy at kaukulang ahensya ng pamahalaan na asistihan ang OFWs sa India. RNT/SA