Deployment ban sa Saudi target alisin ng Migrant Workers Department

Deployment ban sa Saudi target alisin ng Migrant Workers Department

April 5, 2022 @ 9:50 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Ang bagong likhang Department of Migrant Workers (DMW) ay naglalayong alisin ang worker deployment ban sa Saudi Arabia.

Ayon sa ulat, inihayag ni DMW Secretary Abdullah Mama-o na ang ban na ipinatupad ng Department of Labor Employment (DOLE) noong November 2021ay gumagastos sa pamahalaan ng malaking halaga ng kita.

Ipinataw ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang deployment ban sa mga household service worker dahil sa hindi nababayarang suweldo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Para matulungan ang mga apektadong pamilya ng mga manggagawa, sinabi ni Mama-o na ipiprisinta din niya ang kanyang mga plano kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.

Bukod sa Saudi Arabia, hihingin din ni Mama-o ang deployment ng mga OFW sa Libya at Iraq.

Aniya, makikipagpulong ito sa Department of Foreign Affairs upang babaan ang mga antas ng alerto sa mga bansang ito.

Inihayag ni Mama-o na ang Libya ay nangangailangan ng mga manggagawa sa langis, habang ang Iraq ay nangangailangan ng mga OFW para magtayo ng linya ng tren mula Baghdad hanggang Germany.

Ang DMW, batay sa mandato nito, ay sasagutin na ngayon ang mga tungkulin ng iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine Overseas Employment Administration, Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs sa ilalim ng DFA, tatlong tanggapan ng DOLE: Philippine Overseas Labor Office, International Labor Affairs Bureau, at ang National Maritime Polytechnic research and training center; at ang Office of the Social Welfare Attache sa ilalim ng DSWD. Jocelyn Tabangcura-Domenden