Deployment cap sa healthcare workers taasan – POEA

Deployment cap sa healthcare workers taasan – POEA

May 13, 2022 @ 8:13 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nais ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itaas sa 7,500 ang deployment cap sa healthcare workers sa gitna ng pagluwag ng health protocol sa ibang bansa ngayong COVID-19 pandemic.

Sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia sa public briefing ng Laging Handa, mula Enero hanggang Mayo 2022 ay mayroon nang mahigit 2,000 nurses na naipadala sa abroad.

Ayon pa kay Olalia, may sapat na ring nurses sa bansa ay maari nang irekomenda  sa Mission Critical Skills at sa technical group sa IATF na puwede nang dagdagan ang deployment cap na 7,500.

“Dahil sigurado po pagdating ng katapusan ng 2022 mabi-breach ang 7,500. Dahil sa ngayon mahigit 2,000 na ang nade-deploy,” ayon kay Olalia.

Kaugnay naman sa mahabang pila sa  ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nag-a-apply ng overseas employment certificate (OEC) sa Dubai at Abu Dhabi sa UAE, sinabi ni Olalia na tinugunan na ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO).

“Kaya po nagkaroon ng pila, kasi ‘yung usual na 200 to 300 aplikante na nagpapa-verify kada araw ay lumobo at naging hindi bababa ng 800 na nag-apply sa mga nasabing lugar,” ani  Olalia.

Ang pagpapatupad ng appointment system naman ang isa sa solusyon na ginawa ng POLO sa Dubai. Jocelyn Tabangcura-Domenden