Deportation request ng SoKor pinag-aaralan na – Remulla

Deportation request ng SoKor pinag-aaralan na – Remulla

February 24, 2023 @ 12:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingan ng Embahada ng South Korea para maipa-deport ang tatlong Korean nationals na sinasabing wanted sa “violent crimes” doon.

Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na “under review” na ng DOJ ang kahilingan ng South Korea at mailalabas ang desisyon sa susunod na linggo.

Ayon sa kalihim, kaparehas din ito ng kaso ng apat na Japanese na ipina-deport nitong Pebrero dahil ang mga naturang Koreano ay nakagawa ng “violent crimes.”

Batay sa tala ng Bureau of Immigration (BI), nasa 30 Koreano ang nakapiit sa BI facility sa Taguig City.

Bibigyan ng DOJ ng listahan ang Korean government ng mga nakakulong nitong mamamayan sa BI detention.

Una nang nakipag-usap kay Remulla si Korean Ambassador to the Philippines Kim Inchul para hilingin ang deportation ng mga hindi tinukoy na pugante.

Samantala, tiniyak ng kalihim na nagpapatuloy ang pagrepaso sa deportation rules.

Bukod sa hindi na aniya akma ang deportation rules, naniniwala si Remulla na naaabuso na ito ng mga umiiwas na maipadeport kung kaya nagsasampa ng mga imbentong kaso para makiwas sa deportation. Teresa Tavarez