Designer na taga-Isabela, nanalo sa ‘Best in National Costume’ sa Miss U

Designer na taga-Isabela, nanalo sa ‘Best in National Costume’ sa Miss U

December 13, 2021 @ 6:34 PM 10 months ago


ISABELA- Muling nagpamalas ng galing at talento sa pagdesenyo ang isang designer na tubong-San Mateo, Isabela na nagwagi sa Best in National Costume Competition na isinuot ni Miss Nigeria na si Maristella Okpala sa katatapos lamang na Miss Universe 2021.

Si Kennedy John Gaspar ay isang 4th year student at kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Fashion and Textile Technology, majoring in Fashion Design sa Central Luzon State University sa Muñoz, Nueva Ecija.

Labis ang kagalakan at tuwa nang magwagi ang kanyang idinisenyong costume at nagpasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanyang laban.

Ayon kay Gaspar, kanyang hinango ang naturang costume sa “Mmanwaa” o ang tanyag na traditional masquerade tribo mula sa Timog-Silangang bahagi ng bansang Nigeria.

Matandaan, si Gaspar din ang nagdisenyo ng National Costume ng noo’y Miss Cameroon na lumaban sa Miss Universe taong 2020.

Dahil dito muling ipinagmalaki ng mga Isabelino ang kanilang isang kababayan na nagbigay pagkilala sa tinaguriang Queen Province of the North ang lalawigan ng Isabela. Rey Velasco