Desisyon ng pag-aresto, idinaan sa ‘toss coin’

Desisyon ng pag-aresto, idinaan sa ‘toss coin’

July 16, 2018 @ 7:42 PM 5 years ago


Georgia – Sa toss coin na lang idinaan ng dalawang pulis sa Georgia, USA ang pag-aresto sa isang motoristang sinita nila dahil sa overspeeding o sobrang bilis ng pagpapatakbo ng sasakyan.

Ayon sa Roswell Police Department, sinita umano ng nina Officer Courtney Brown at Kristee Wilson ang 24-anyos na motoristang si Sarah Webb noong Abril dahil sa mabilis na takbo ng sasakyan nito.

Depensa ni Webb, mali-late na raw kasi siya sa trabaho.

At nang hindi magkasundo ang dalawang pulis kung titiketan lang nila o aarestuhin ito sa kasong reckless driving dahil basa ang kalsada nang mangyari ang insidente, napagpasyahan nilang idaan ito sa… TOSS COIN!

Kapag ‘ulo’ ang lumabas, aresto si Webb pero kapag ‘buntot’ lang ay ticket.

Gumamit umano ng coin flip app sa kaniyang mobile phone si Brown at “ulo” ang lumitaw kaya inaresto si Webb.

Ayon sa pulisya, makikita sa video na nagtawanan ang dalawang pulis sa resulta ng coin toss.

Dahil sa video na lumabas sa media, ibinasura ang reklamo laban kay Webb sa pagharap niya sa pagdinig sa kaniyang kaso noong Hunyo 9.

Samantala, nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pamunuan ng pulisya laban sa dalawa nilang kasamahan na parehong isinailalim sa administrative leave.

“I am appalled that any law enforcement officer would trivialize the decision-making process of something as important as the arrest of a person,” sabi ni Roswell Police Department Chief Rusty Grant. (Remate News Team)