Manila, Philippines – Binaligtad ng Department of Justice (DOJ) ang una nitong desisyon na ibasura ang drug case laban sa umano’y bigtime drug lord na si Kerwin Espinosa, Peter Co at ilan pang may mga kaugnayan sa iligal na droga.
Sa inilabas na pahayag ng DOJ, nakakita ang mga prosecutors ng probable cause para muling kasuhan ang mga umano’y drug lord ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ng 2002.
“Espinosa, Co and the other respondents will be charged before the Regional Trial Court of Makati City,” ayon sa DOJ.
Nilinaw rin ng tanggapan sa huling resolusyon na hindi kasama dito ang Cebu businessman na si Peter Lim na isa sa listahan ng mga akusado kasunod ng pagpayag ng DOJ sa kanyang mosyon na magkaroon ng hiwalay na preliminary investigation.
Matatandaang, umani ng batikos mula sa mga mambabatas at iba’t ibang mga sector maging kay Pangulong Rodrigo Duterte ang unang desisyon ng departamento na ibasura ang kaso noong December 20, 2017 na naging dahilan ng pagre-resign ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at pinalitan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ang kaso ay isinampa ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos na mabisto ang umano’y drug transactions mula Febrauray 2013 hanggang August 2015 ng tinaguriang ‘Espinosa Group’. (Remate News Team)