Desisyong blended learning ni Digong, tama; Krisis sa edukasyon ni Robredo, pinalagan

Desisyong blended learning ni Digong, tama; Krisis sa edukasyon ni Robredo, pinalagan

July 13, 2021 @ 2:33 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Malakanyang na tama ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na manatili sa blended learning ang mga mag-aaral.

Ito ay hangga’t hindi nakikita ni Pangulong Duterte na tumataas ang bilang ng mga bakunadong Filipino.

“Habang hindi pa tayo nakakapag-face-to-face, mukhang tama naman ang decision ng President [Rodrigo Duterte] na hindi pa tumataas ang mga bakunadong kababayan natin kaya blended learning muna tayo,” ayon kay Sec. Roque.

“Hindi ko alam kung kinakailangan ng deklarasyon ng crisis,” dagdag na pahayag nito.

Ang pahayag ni Sec. Roque ay tugon sa naging panawagan ni Vice Pres. Leni Robredo sa gobyerno na magdeklara ng krisis sa edukasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante at mga guro na apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Robredo, dapat na magpokus ang pamahalaan sa solusyon sa halip na maging defensive.

Kaugnay nito, tinukoy rin ni Robredo ang poor assessment sa performance ng mga mag-aaral sa mga major subjects gaya ng Math, Science at English.

Nabawasan anya ang paggastos sa nutrisyon ng mga estudyante nitong mga nakalipas na taon. May paniwala anya na kapag malnourished at walang laman ang tiyan ng bata ay mas mahihirapan siyang mag-aral.

“I don’t know what she’s referring to, talagang mahirap ang buhay dahil pandemya pa,” ang tugon naman ni Sec. Roque.

Giit pa niya, tanging si Education Secretary Leonor Briones ang may kapangyarihan na magdesisyon sa bagay na ito.

Samantala, “incorrect” naman ang inilabas na ulat ng World Bank na 80% ng mga mag-aaral na Pinoy ang bumagsak ng mas mababa pa sa minimum level ng proficiency para sa kanilang grade levels, base na rin sa 2019 Program for International Student Assessment.

Nag-public apology na ang WB na tinanggap naman ng DepEd. Kris Jose