Desisyong ‘di paglalabas ng daily COVID-19 tallies dinepensahan ni Duque

Desisyong ‘di paglalabas ng daily COVID-19 tallies dinepensahan ni Duque

December 29, 2021 @ 6:50 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Nitong Miyerkules ay dinepensahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang desisyon ng Department of Health (DOH) na hindi na mag-post ng daily coronavirus disease (COVID-19) tallies sa social media simula sa isang tao upang magbigay-daan para sa qualitative at situational reports sa website nito.

Siniguro ni Duque sa publiko na magbibigay ang DOH ng mas maraming analysis at situational reports sa daily COVID-19 tallies, na mas madali umanong maiintindihan.

“Unang una hindi naman tama para sabihin na hindi na mag-uulat ang DOH ng kaso, pinag-isa lang ‘yung ating case bulletin at yung situational report, pero ito mas magiging qualitative ‘yung hindi lang puro numero,” pahayag ni Duque sa dzBB.

“Mahirap na puro numero lang ‘yung nilalabas natin kailangan mayroon ding storya sa likod ng mga numero para mas maganda analysis at mas maiintindihan ng taong bayan,” patuloy niya.

Base sa DOH, magbibigay pa rin ito ng daily case updates sa website nito (www.doh.gov.ph/covid19tracker) kada alas-4 ng hapon araw-araw simula sa Enero 1, 2022.

Ayon pa sa DOH, naglalaman din ang public tracker ng detalyadong impormasyon sa COVID-19 case bulletin at daily situational report.

Sinabi ni Duque na isasama rin ang iba pang updates at impormasyon sa iba pang programa ng DOH katulad ng anti-firecracker drive at vaccination campaign sa bansa.

“Isasama na rin ‘yung mga ibang public health worthy news hindi lang tayo puro COVID kasi andami-dami rin nating ibang sakit. Kagaya ng iwas-paputok campaign natin, ‘yung ating vaccination program bigyan-diin natin ‘yan dahil ‘yan ang may halaga na mga public health programs na dapat maibahagi rin sa bayan,” aniya. RNT/SA