Desisyong palitan ang pangalan ng NAIA hawak ng mga mambabatas – MIAA

Desisyong palitan ang pangalan ng NAIA hawak ng mga mambabatas – MIAA

July 13, 2020 @ 3:15 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Hawak ng mga mambabatas ang desisyong palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon ito sa Manila International Airport Authority (MIAA).

Ayon kay MIAA general manager Eddie Monreal, ipauubaya ng MIAA ang desisyon ng mga mambabatas sa pagpapangalan sa panungahing gateway ng bansa.

“‘Yan po siguro, puwede nating ipagpaubaya na lang sa ating mga mambabatas dahil sila ang may karapatan at katungkulan para i-suggest kung anuman ang panibagong pangalan ng ating paliparan,” pahayag nito sa Laging Handa virtual briefing.

Mandato ang MIAA na bumuo at tanggapin ang “internationally acceptable standards” ng airport accommodation, at pag-upgrade at magbigay ng ligtas, mabilis at maaasahang pasilidad para sa international at domestic air travel.

Nitong Hunyo, matatandaang naghain ng panukala si presidential son at House of Representatives Deputy Speaker Paolo Duterte, kasama ang dalawa pang mambabatas, na layong palitan ang pangalan ng NAIA upang maging Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.

Orihinal na pinangalanan itong Manila International Airport, at pinalitan lamang ng NAIA sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987, bilang pagkilala sa kanyang yumaong asawa na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Pinatay si Ninoy sa tarmac ng paliparan noong Agosto 21, 1983, sa pagbabalik nito sa bansa. Nakilala ang dating mambabatas bilang kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. RNT/MM


  •  
  •  
  •  

Loading...