Destabilization plot sa military pinabulaanan ng PNP

Destabilization plot sa military pinabulaanan ng PNP

January 8, 2023 @ 3:49 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinasinungalingan ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado, Enero 7 ang balitang “destabilization” plot sa militaty kung kaya’t naka-full alert status ang ahensya.

Ani PNP spokesperson Jean Fajardo, walang katotohanan ang kumakalat online na memorandum na nagsasabing nasa pinakamataas na alert status ang bansa ngayon dahil sa mga isyu sa headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo.

Sa kabila nito, kinumpirma naman ni Fajardo na naka-heightened alert ngayon ang PNP bilang paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno.

“Ang dineclare po natin officially ay naka-heightened alert tayo. Kasi ngayon po ang start ng ating activities relating to Traslacion,” pagbabahagi ni Fajardo.

“As far as the PNP is concerned, we haven’t received any information relating sa mga [to] destabilization plot,” dagdag pa niya.

Nilinaw rin ng tagapagsalita ng PNP na ang mga kumakalat naman na larawan ng mga armored vehicles sa loob ng PNP headquarters sa Camp Crame ay bahagi rin ng seguridad sa naturang pista.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP chief Rodolfo Azurin Jr. ang pagkakasa ng imbestigasyon upang matukoy kung kanino nanggaling ang viral document.

Inabisuhan din niya ang publiko na huwag basta-basta magbahagi ng impormasyon na hindi naman totoo o hindi beripikado. RNT/JGC