Detalyadong cropping schedule pinalilikha ni PBBM iwas sagasa sa importasyon

Detalyadong cropping schedule pinalilikha ni PBBM iwas sagasa sa importasyon

March 1, 2023 @ 7:57 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang gumamit ang agricultural sector ng bansa ng detalyadong cropping schedule upang matiyak na hindi makasisira at makapipinsala ang agricultural imports sa local production.

Nabanggit kasi ni Pangulong Marcos ang nasabing ideya sa isang miting kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at iba pang concerned agencies sa Palasyo ng Malakanyang.

“A cropping schedule or cropping calendar is a schedule of the rice growing season from the fallow period and land preparation, to crop establishment and maintenance, to harvest and storage,” ayon sa International Rice Research Institute (IRRI).

Ayon sa ipinalabas na kalatas ng Presidential Communications Office (PCO), hiniling ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng agrikultura na mas maging detalyado sa cyclical nature ng mga pananim sa Pilipinas upang maiwasan ang pag-aangkat ng produkto sa panahon ng harvest season.

“Hindi tayo nag-i-import ng kahit anong produkto pagka maraming production para naman magamit natin lahat ng production na galing sa Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.

“Kung mag-i-import lang tayo, kung talagang may kulang and that’s what I mean about the cyclical nature of crops, that we have to be sensitive to that,” dagdag na wika nito.

Ani Pangulong Marcos, ang pagbabago sa planting schedule sa ilang lugar sa Pilipinas para samantalahin ang panahon ng tag-ulan ay makapagbibigay ng mas maraming benepisyo o pakinabang dahil magkakaroon ang mga magsasaka ng tatlong “cropping cycles” kada taon.

Kailangan din aniya na matutunan ng agricultural sector na “mag-adjust accordingly” dahil sa kumplikadong epekto ng climate change.

Maliban sa cropping schedules, pinag-usapan din nina Pangulong Marcos at DA officials ang rice demand outlook ng bansa ngayong taon.

Ipinresenta naman ng DA kay Pangulong Marcos ang “interventions” upang matiyak na sapat ang suplay ng mais, baboy, manok, isda, asukal at bigas. Kris Jose