Detalye sa money delivery kay De Lima, ‘di maalala ni Colanggco

Detalye sa money delivery kay De Lima, ‘di maalala ni Colanggco

December 6, 2022 @ 7:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – “Sa takbo ng kanyang testimonya ang napansin lang namin ay marami siyang hindi natatandaan, partikular na diyan kung ilang beses siyang nagbigay, kailan siya nagbigay, at kung sino ang nagbigay.”

Ito ang sinabi ni Atty. Boni Tacardon na siyang abogado ni dating senadora Leila De Lima sa kinahaharap nitong drug case sa mga naging testimonya ni convicted drug dealer na si Herbert Colanggco.

“Lagi lang sinasabi niya na busy siya kaya hindi niya matandaan ‘yung mga ‘yun, kaya hindi niya ma-recall,” dagdag pa ni Tacardon.

Ayon kay Tacardon, mahalaga ito para kay De Lima dahil inaakusahan siyang tumanggap ng milyun-milyong pera.

“[A]ng lumalabas lang na napimigay niya ay — kung totoo man yun, hindi namin sinasabing totoo — na umabot ng P45 million tapos may P18 million na hindi niya maipaliwanag sa amin kung kailan at paano nagpadala,” ayon pa sa abogado ni De Lima.

Aniya, walang ipinakitang ebidensya sa pagdinig.

Nauna nang sinabi ni Colanggo na nananatili siyang saksi laban kay De Lima. Ito ay matapos na binawi ni dating Deputy Director Rafael Ragos ang kanyang testimonya laban kay De Lima.

Si De Lima ay sinampahan ng gobyerno ng tatlong kaso na may kinalaman sa illegal drug trade sa Bilibid.

Isa sa mga kasong ito ay na-dismiss na ng Muntinlupa Regional Trial Court noong Pebrero 2021 dahil sa mahinang ebidensya. Paulit-ulit na itinanggi ni De Lima na sangkot siya sa kalakalan ng iligal na droga. RNT