DFA: 78 Pinoy nananatili sa Ankara shelter kasunod ng Turkey quake

DFA: 78 Pinoy nananatili sa Ankara shelter kasunod ng Turkey quake

March 9, 2023 @ 5:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- May kabuuang 78 Pilipino ang nananatili sa Ankara shelter, at marami ang inaasahang uuwi matapos maapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Turkey at Syria nitong nakaraang buwan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.

“Right now, meron pang 78 na natitira sa shelter natin. May isang shelter para sa mga OFWs. na ni-rescue natin or lumikas galing sa kanilang earthquake-affected areas,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega sa isang televised public briefing. 

Sinabi ni De Vega na 49 Pilipino ang nakauwi na sa bansa sa dalawang batch.

Ilan sa kanila ang sinundo na ng kanilang pamilya, habang ang iba ay nasa OWWA center pa rin at hinihintay na maihatid sa kani-kanilang probinsya.

Inaasahang pauuwiin ang ikatlong batch na binubuo ng halos 20 Pilipino sa pagtatapos ng buwan.

Sinabi niya na para sa mga Pilipino na piniling manatili sa Turkey, handa ang Turkish government na magbigay ng financial at housing support. RNT/SA