Manila, Philippines – Humingi na ng tulong ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad ng bansang Iraq at Libya para sa pagpapalaya ng limang Pinoy sa kamakailan ay binihag ng mga armadong lalaki sa dalawang nasabing bansa.
“We are in touch with authorities in Iraq and Libya and have requested their assistance in locating and securing the release of our missing kababayan,” sabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isang statement.
Ayon pa kay Cayetano, pinaalam ng embahada ng Pilipinas mula sa Baghdad at Tripoli sa DFA ang tungkol sa magkaibang insidente ng pagbihag sa nasabing bansa.
Dalawang Pinay ang binihag kahapon (July 7) sa isang kalsada na nagkokonekta sa Baghdad at Kirkuk, ayon sa report.
Sabi ng DFA, ayon kay Chargé d’Affaires Julius Torres, ang dalawang Pinay ay kasama sa isang grupo ng babae kung saan sila ay papunta sa Baghdad mula sa Kurdistan nang patigilin ng mga armadong lalaki ang kanilang sinasakyang kotse.
Ang driver ay naiulat na iniwan ang sasakyan habang kinukuha ng mga armadong lalaki ang apat na babae. Kalaunan, ang dalawang babae ay nakatas at nasa kustodiya na ng mga pulis habang ang dalawang Pinay ay bihag pa rin.
Noong Biyernes naman (July 6), tatlo namang Pinoy at isang Koreano ang binihag ng hindi nakilalang armadong lalaki sa southeastern Libya.
Sila ay nagtratrabaho bilang mga technicians sa isang water plant.
Sabi ng DFA, ayon kay Chargé d’Affaires Mardomel Melicor, ang mga armadong lalaki ay pumunta sa construction site, 500 kilometro mula sa Tripoli umaga ng Biyernes at saka kinuha ang limang foreigners at apat na Libyans mula sa kanilang quarters.
Kalaunan ay pinalaya ng armadong lalaki ang lahat ng Libyans at ang isang foreign worker, sabi ni Melicor. (Remate News Team)