DFA kinalampag ni Hontiveros sa pagpapalakas ng security deal vs China

DFA kinalampag ni Hontiveros sa pagpapalakas ng security deal vs China

February 27, 2023 @ 4:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, Pebrero 27 ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsulong ng updated security agreements sa iba’t ibang bansa na makakatulong sa pagtatanggol sa Pilipinas mula sa patuloy na panggigipit ng China.

“Kailangan nating gamitin ang lahat ng posibleng paraan para ipagtanggol ang Pilipinas mula sa mapangahas na aksyon ng China. Magsisilbing defensive framework ang security agreement na magbibigay-daan sa joint patrols at pagsasanay ng ating militar. Bahagi ito ng paghahanda sakaling lumala ang tensyon,” sabi ni Hontiveros.

“Araw-araw na ang pang-haharass at pambubully ng Tsina sa ating mga mangingisda at mga coast guard. We cannot do nothing,” dagdag ng senador.

Sa isang security conference sa Germany, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na nangyayari araw-araw ang panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng coast guard.

Nanawagan siya sa United Nations na tulungang itaas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagtataguyod ng UNCLOS at pagpapanatili ng kaayusan sa ating mga karagatan.

“Besides creating awareness, we, in the Philippines, also have to lead in taking tangible steps that can urgently help our citizens who are directly affected by China’s aggression. Kung hindi natin ipinagtatanggol ang ating karapatan sa sarili nating karagatan, para narin nating pinagkaitan ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, ating mga mamamayan,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi ng senadora na hindi lamang dapat umasa ang bansa sa Mutual Defense Treaty sa Estados Unidos upang protektahan ang ating mga soberanya sa WPS.

Binigyang-diin ng senador na ang mga kasunduang gaya nito ay maaari ring gawin sa ibang mga bansa na gustong mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

“Dapat mapalakas ang ating pag-uugnayan sa mga karatig-bansa na lubos ding maapektuhan kung hindi huminto ang pambabastos ng Tsina. Hindi titigil ang China will not stop until we surrender the WPS, so we must also show her that we will never stand down,” sabi ng senador.

“Sa labang ito, nag-iisa ang Tsina, habang tayo, napakaraming kakampi. Let us maximize the reinforcement of the international community and consolidate all this support once and for all,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes