DFA kinalampag vs rape case ng anak ng diplomat

DFA kinalampag vs rape case ng anak ng diplomat

November 21, 2020 @ 10:10 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Ipinanawagan ang hustisya sa Department of Foreign Affairs (DFA) ng pamilya ng batang lalaki na iniulat noong 2017 na ginahasa ng kaklase sa India.

Sa ulat, ang bata ay anak ng isang Filipino diplomat na naka-assign noon sa Philippine Embassy sa New Delhi.

Halos tatlong taon na ang lumipas nang iulat ang naganap na panggagahasa sa edad na 11 lamang.

Suspek naman dito ang 13 taong gulang na lalaking kaklase sa loob mismo ng isang paaralan sa New Delhi, India.

Si Dan ay kinilalang anak ng isang empleyado ng DFA habang ang suspek ay anak naman ng isang diplomat ng Angola.

Base sa ama ni Dan na si alyas “Edwin,” wala silang natanggap na tulong noon mula sa embahada at wala silang ibang nais kundi mapanagot ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng ahensya.

“Wala ba silang puso? Wala ba silang mahal sa buhay? Ang mga walanghiya nila. Hindi ba sila magulang? Tinutulak nila kami na may mamatay sa amin. Wala lang kaming CCTV kaya ganito ang sinapit namin,” himutok ni Edwin sa isang panayam.

Tinutukoy ni Edwin ang bilis ng aksiyon ng DFA sa pagsampa ng kaso laban sa Philippine ambassador sa Brazil na nahuling nanggugulpi ng kasambahay.

“Huwag na sila maawa sa akin eh. Maawa sila sa anak ko… Sinasabi namin sa kanila, bingi’t bulag sila… Lahat ginawa ko, walang hindi,” daing ni Edwin.

“Imbes na bigyan kami ng tulong at kapayapaan ng loob, pinauwi kami nang walang katarungan at nasira ang pag-aaral ng aking mga anak.”

“Bakit bingi’t bulag ang Department of Foreign Affairs sa nangyari sa ‘min hanggang ngayon? Wala kaming laban sa kanila. ‘Wag naman nilang sana paglaruan ang career ng asawa ko. Kawawa mga anak ko, habag naman sa kapwa Pilipino. Lahat ginawa ko na bilang ama,” lahad pa nito.

Samantala, sinabi naman ng human resources and management office ng DFA na nakipag-usap na noon ang embahada sa India sa mga opisyal ng paaralan at sa ambassador ng Angola.

“The case, however, did not prosper, as the Angolan boy and his family had already returned to Angola… The lawyers consulted by the embassy said that the initial investigation by the… police in New Delhi was not able to establish the act of sexual assault against [Dan],” paglilinaw ng DFA.

“A closure report was therefore submitted to the magistrate on 08 March 2018 stating that there was no reasonable ground to continue the investigation.”

Sa pinagbasehang dokumento at record, buwan ang lumipas bago napa-medical ang biktima mula maganap ang panggagahasa.

Tinakot daw kasi ng kaklase ang biktima at hindi agad nakapagsumbong sa kapatid at magulang.

Na-expel naman sa paaralan ang kaklase matapos umano ring aminin ang ginawa. RNT/FGDC


  •  
  •  
  •  

Loading...