DFA naghain ng panibagong diplomatic protest vs Tsina

DFA naghain ng panibagong diplomatic protest vs Tsina

June 11, 2022 @ 9:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naghain ng panibagong protesta ang  Department of Foreign Affairs (DFA)  laban sa  China hinggil sa nangyaring insidente sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ng DFA, kabilang sa mga insidenteng ito ang ilegal na pangingisda ng China; pag-sunod ng Chinese Coast Guard sa mga bangka ng Pilipinas at ang paglalagay nito ng mga boya at mga lambat na humaharang sa pasukan ng shoal.

Muli namang inulit ng gobyerno ng Pilipinas  ang paglabag  ng China sa arbitral ruling noong 2016 dahil sa patuloy na pag-angkin  nito sa WPS.

“The 2016 Arbitral Award affirmed that Ayungin Shoal is within (the Philippine exclusive economic zone) and continental shelf. (China) has no right to fish, monitor, or interfere with PH’s legitimate activities therein,”  ang tweet ng DFA.

“PH calls on China to comply with its obligations under international law, including UNCLOS and the Arbitral Award,” ayon pa rin sa DFA.

Kamakailan lamang ay naghain ng panibagong diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa pagbabalik ng mahigit 100 Chinese vessels sa paligid ng julian Felipe Reef noong Abril 4.

Sinabi ng DFA na iligal ang presensya ng mga Chinese vessel sa lugar at posible pa itong magdulot ng kaguluhan sa rehiyon.

Malinaw aniya na paglabag sa international law ang ginagawa ng China kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral award.

Sa huli, nanawagan ang DFA sa China na sumunod sa kanilang obligasyon sa ilalim ng international law at itigil na ang mga iresponsableng mga aksyon na maaari pang magdulot ng tensiyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Matatandaang, naghain din ang DFA ng diplomatic protest dahil sa pagpapatupad ng China ng fishing ban na sakop ang ilang bahagi ng karagatan ng Pilipinas. Kris Jose