DFA sa laser incident: Pagpaparesbak sa USA, premature pa

DFA sa laser incident: Pagpaparesbak sa USA, premature pa

February 17, 2023 @ 3:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – NANINIWALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) na masyado pang premature na ipanawagan ng Pilipinas na gamitin nito ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa Estados Unidos kasunod ng paggamit ng Chinese Coast Guard (CCG) ng “military-grade laser light” sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng mis­yon sa may Ayu­ngin Shoal sa West Phi­lippine Sea (WPS) noong nakaraang linggo.

Sa ilalim kasi ng 1951 treaty na pinirmahan ng Pilipinas at Amerika, nakasaad sa MDT na magtutulungan ang dalawang bansa lalo na sa panahong may armadong pag-atake, kabilang na sa Pacific area.

Inulit naman ng US Department of State ang “ironclad” commitment nito ngayong linggo.

Sinabi ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na suportado ng pamahalaan ang report ng PCG na pinatamaan ng Chinese coast guard ng military-grade laser ang isang coast guard ship ng Pilipinas at panandaliang nabulag ang ilan sa crew nito sa pinag-aagawang South China Sea, tinawag ito na isang “tahasang” paglabag sa karapatan ng Maynila.

Ang barko ng Tsina ay mapanganib na nagmaniobra ng sobrang lapit, mga 137 na metro (448 feet), para harangan ang Philippine patrol vessel na BRP Malapascua mula sa paglapit sa Second Thomas Shoal, isang nakalubog na reef na inookupahan ng puwersa ng Pilipinas, noong Pebrero 6, sinabi ng Philippine coast guard sa isang pahayag.

Ang paggmit ng MDT ay “being talked about, but whether it is already at that state I think it’s a bit early,” ayon kay Daza.

Aniya pa, nagpapatuloy naman ang pag-uusap sa loob ng gobyerno hinggil sa kung bubuhayin ang MDT.

Samantala, umani ng suporta ang Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa sa gitna ng ikinikilos ng China sa West Philippine Sea.

Para kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, maituturing na armadong pag-atake ang paggamit ng China ng military grade laser. Kris Jose