DFA sasangguni sa mga dating Kalihim sa Sabah claim ng Pinas

DFA sasangguni sa mga dating Kalihim sa Sabah claim ng Pinas

September 29, 2022 @ 9:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinanggap ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique A. Manalo  ang payo ni Senador Francis ‘’Tol’’ Tolentino  na kailangang humingi ng payo ang departamento sa mga naging dating Kalihim nito kung paano haharapin ang French Arbitral Court ruling kung saan pinagbabayad ang Malaysia ng halagang $14.92 bilyon para sa pinaupahang teritoryo sa Sultanato ng Sulu.

‘’Ir is good approach.. to get their ideas,’’ ayon kay Manalo sa naging suhestiyon ni Tolentino na kailangan na nitong kausapin ang mga dating Kalihim ng DFA na sina Albert del Rosario at Teodoro Locsin Jr. sa nasabing isyu.

Matatandaang sinabi ng DFA na kailangan ang whole-of-government approach para tugunan ang Sabah dispute sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia.

Sa ulat, sa unang privilege speech ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, noong Martes, nanawagan siya sa pamahalaan na suportahan ang laban ng Sultanato ng Sulu para makuha ang bayad upa na $14.92 bilyon.

Karapat-dapat aniya na “tulungan ng buong kapangyarihan ng ating pamahalaan ang mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu katulad ng pagtulong nito sa kahit sinong mamamayan sa loob at labas ng bansa.”

Ani Padilla, pinagbabayad ng French Arbitration Court ang Malaysia ng halagang $14.92 bilyon para sa pinaupahang teritoryo.

Sa loob ng 135 taon, alinsunod sa kasunduan noong 1878, tuloy-tuloy ang natatanggap na bayad-upa ng mga tagapagmana ng Sultanato, ani Padilla. Ito ang taunang bayad galing sa United Kingdom mula 1878 hanggang 1962 at sa gobyerno ng Malaysia naman mula 1963 hanggang 2013, kung kailan itinigil ng Malaysia ang taunang bayad-upa pagkatapos ng sigalot sa Lahad Datu.

Ang pagtigil ng pagbayad ang nag-udyok sa paghahain ng Sulu Royal family ng reklamo sa internasyonal na tribunal noong 2018 – nguni’t sa kabila ng tuloy-tuloy na paglilitis, hindi nagpaabot ng representasyon ang pamahalaan ng Malaysia liban na lamang sa tatlong pagkakataon. “Patuloy ang pangbabalewala ng gobyerno ng Malaysia sa arbitrasyon,” ani Padilla.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Manalo na kailangan nang mag-reconvene ang  cluster committee  para pag-aralan ang implikasyon nito.

“The legal private award has implications on the Philippine sovereignty claim,” dagdag na wika ni Manalo.

Sa katunayan, pinag-aaralan na aniya ng Office of the Solicitor General (OSG)  ang usaping ito at naghihintay na lamang ng rekumendasyon ang DFA.

Samantala, ang payo pa rin ni Tolentino kay Manalo ay sunggaban na ang oportunidad dahil mayroong 750,000 Filipino sa  Sabah na kinokonsiderang ‘’stateless’’ at sinasabing  nag- criss-cross  sa Sabah at Tawi-Tawi. Kris Jose