‘DI AATRAS SI BONG GO’–PDP-LABAN

‘DI AATRAS SI BONG GO’–PDP-LABAN

November 26, 2021 @ 3:00 PM 2 days ago


Manila, Philippines – HINDI iaatras ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa halalang 2022 elections, ayon kay Atty. Melvin Matibag, secretary general ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

“No, Senator Bong Go is not backing out from the presidential race at tuloy na tuloy ito,” ayon kay Matibag.

Sinabi sa media kamakalawa ni Go na naghihintay siya ng senyale ng Diyos kung ipagpapatuloy ang kanyang kandidatura sa pagsasabing ang pagiging presidente ay isang destinasyon.

“Kung para sayo yan, para talaga sayo yan,” ani Go.

Si Pangulong Rodrigo Duterte, na tatakbo namang senador sa darating na halalan, ang nagtulak kay Go na tumakbong pangulo.

“Nabigla ako. Hindi pa pumapasok sa isipan ko kung bakit ako nandito as a candidate po ng pagiging presidente,” ani Go.

“Iniisip ko pa nang mabuti, nag-aantay po ako ng sign sa Panginoon. Kung sa tingin niyang, dito ka na lang Bong, susundin ko po, at siyempre ‘yung Pilipino,” idinagdag ng mambabatas.

Ayon kay Matibag si Go, na naghain ng kandidatura sa ilalim ng political party Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), ay nagpapakatotoo lamang nang gawin ang pahayag.

“Senator Bong Go is very honest, pero hindi magwi-withdraw ‘yan and as a matter of fact, nag-meeting nga sila sa Malacañang on November 24 at naroon ang mga governors, more than 50 of them, and they are all supporting Senator Bong Go at hindi lang mga governors, pati mga ibang local government officials,” ayon sa abogado.

Aniya, ang PDDS at ang PDP-Laban ay buong-buo ang suporta kay Senator Go.RNT