‘DI BAKUNADO: 85% SA OSPITAL, 93% SA SEMENTERYO

‘DI BAKUNADO: 85% SA OSPITAL, 93% SA SEMENTERYO

January 13, 2022 @ 10:20 AM 7 months ago


HINDI natin titigilan ang maghatid-balita ukol sa coronavirus disease-19 hangga’t hindi ito masusugpo.

Kabilang sa mga huling balita ang pagsasabi mismo ng Department of Health na sa lahat ng naoospital kaugnay ng COVID-19, 85 porsyento ang hindi bakunado at sa lahat din ng namamatay; 93 porsyento ang hindi bakunado o may isang turok pa lang ng bakuna.

Hindi biro-biro ang anunsyo na ito na ibinatay sa mga pagsusuri ukol sa mga naoospital at namamatay sa pandemya.

ISANG KWENTO

Dumarami ang mga kwento ukol sa epekto ng hindi pagpapabakuna.

Isa na rito ang mag-asawa na parehong obrero ng pabrika ngunit sa magkaibang kompanya.

Parehong regular na obrero ang mag-asawa at kung magkasakit man sila, tuloy ang kanilang sahod.

Pero nag-iba ngayon ang mga patakaran ng kanilang mga kompanya na nakararanas ng pagkalugi.

Piniiral ngayon ang no-work, no pay dahil sa loob ng dalawang taon, naghihingalo ang kanilang mga kompanya.

Ngayon ay may COVID ang misis at napilitang magbantay si mister sa kanyang misis na nakaratay.

Dahil sa no work, no pay na patakaran ngunit hindi naman sila sinisibak sa trabaho, naisip ng mister ang kanyang dalawang anak na nag-aaral at ang panghulog nila ng hulugan nilang bahay  buwan-buwan na delikado kung matuluyang maospital o mapa-cremate si misis kung mamamalasin.

Bakunado si misis subalit si mister, ayaw magbakuna at hindi naniniwala sa bisa at ligtas na bakuna.

Sa ikalimang araw ng pagbabantay sa naka-home quarantine na misis, hayun, nagpabakuna na si mister na isang electrician upang masalba ang kanilang buhay, trabaho, pananagutan sa kanilang mga anak at panghulog sa kanilang bahay.

Kinalimutan ni mister ang mga sabi-sabi na delikado ang bakuna at kumapit ito sa mas mahahalagang usapin para sa kanyang pamilya.

TAHIMIK SA OMICRON

Ang balitang-balita sa Omicron variant, lumalaganap ito nang mabilis sa buong mundo at sinasabi mismo ng WHO na maaaring nakakalat na ito sa buong mundo bagama’t nalalaman lang ang pagdating nito sa mga bansang may kakayahan na magsagawa ng genome sequencing o saktuhang pagkilala sa virus na ito.

Ang hindi balitang-balita, ang kakayahan nitong pumatay ng tao na alam na alam ng lahat na katangian ng orig na virus at Delta variant.

Pero ang masama, hindi lang mild o katamtamang sakit sa COVID ang parating ng Omicron kundi may kakayahan din itong ipadala sa ospital ang mga biktima nito sa kondisyong severe at critical.

Ang totoo, may mga bansang nag-ulat nang namatayan sila sa Omicron gaya ng United Kingdom, United States, Australia, South Korea at South Africa.

Ang masama, kung magbunga ang Omicron variant ng pag-apaw ng mga maysakit sa mga ospital, magkukulang ang mga doktor at nars at gamot para sa mga ito at itutulak ang mga pasyente sa malalalang kondisyon at kamatayan.

Sa Pilipinas, may mga ospital nang tumangging tumanggap ng may COVID at malamang na darami pa ang mga ito sa rami ng may COVID.

Dahil dito, magkakamatayan na rin kaya sa Pinas sa Omicron?

O magpabakuna na tayo lahat.