‘Di bakunadong dayuhan ekis sa Pinas – BI

‘Di bakunadong dayuhan ekis sa Pinas – BI

February 7, 2022 @ 7:34 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Inahayag ng Bureau of Immigration (BI) na papayagan nang makapasok sa bansa ang lahat ng fully vaccinated na dayuhan simula Pebrero 10.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing pahayag ay base sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kung saan ipatutupad nila ang bagong polisiya mula sa pamahalaan na magpapalawak sa mga kategorya ng mga dayuhan na pinapayagang makapasok sa bansa.

“Those nationals from the 157 countries listed under Executive No. 408, series of 1960 as amended and other nationalities covered by related Foreign Service Circulars may be allowed to enter the country visa free, while those who are visa-required must secure an entry visa and an Entry Exemption Document (EED) from the nearest Philippine consulate or embassy,” paliawanag ni Morente.

Gayunman, sa pagdating ng mga dayuhang Fully vaccinated ay kailangang magpakita ng patunay ng pagbabakuna na aprubado ng IATF, isang negatibong resulta ng RT-PCR na valid sa loob ng 48 oras bago umalis mula sa bansang pinagmulan, at isang travel insurance para sa Covid-19, na may minimum coverage na USD 35k, valid para sa tagal ng kanilang pananatili sa bansa, na ipapakita sa mga airline sa pag-check-in.

Ang mga darating na turista ay kinakailangan ding magkaroon ng pasaporte na may bisa ng hindi bababa sa 6 na buwan at isang tiket pabalik sa kanilang pinagmulan bansa.

Nakasaad sa resolusyon ng IATF na ang mga hindi makumpirmang patunay ng pagbabakuna ay sasailalim sa facility-based quarantine hanggang sa mailabas ang kanilang negatibong RT-PCR test na kinuha sa ika-5 araw.

Nilinaw naman ni Morente na ang mga hindi nabakunahang dayuhan, anuman ang uri ng visa, ay hindi papayagang makapasok.

“Following the direction of the IATF, unvaccinated and partially vaccinated aliens will not be allowed entry,” ani Morente.

“Only those who are fully vaccinated may be admitted,” dagdag pa nito.

Giit ni Morente, ang mga dayuhang hindi nabakunahan at ang mga hindi makapagpakita ng mga kinakailangang dokumento ay hindi makapapasok ng bansa at pasasakayin ito sa susunod na available na flight pabalik sa kanilang pinanggalingan.

Hinikayat naman ni Morente ang mga airline na pasakayin lamang nila ang mga karapat-dapat na dayuhang mamamayan, at nagbabala pa ang opisyal na mahaharap ang mga ito sa kaukulang parusa at multa sa oras na magpasakay ng mga hindi kwalipikadong dayuhan. JAY Reyes