DI DAPAT PUMATAY

DI DAPAT PUMATAY

August 2, 2022 @ 7:14 PM 2 weeks ago


KAHIT gaano kahalaga ang ipinaglalaban ng isang tao kapag may nasasangkot o nasasakripisyong buhay, lumalabas na wala itong kuwenta o saysay.

Maidudugtong ito sa kaso ni Dr.Chao Tiao Yumol, isang doktor mula sa Basilan, na aminadong pumatay kay dating Lamitan,Basilan Mayor Rose Furigay, sa executive secretary nitong si Victor Capistrano at isang guwardiya ng Ateneo de Manila University kamakailan.

Noong Pebrero, naglabas sa Youtube si Yumol na nagsasangkot sa dating alkalde ng Lamitan at pamilya nito sa operasyon ng droga sa kanilang lugar at sa buong Mindanao at binanggit din ng una ang koneksyon ng mag-asawa sa mga awtoridad kasabay nang pagpapakita ng ilang dokumento na nagpapatibay sa kanyang akusasyon na hindi pinaniwalaan ng mga opisyal ng pamahalaan kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency.

Ngunit hindi kumbinsido ang mga opisyal ng pamahalaan na nilapitan ni Yumol kaya’t napunta sa wala ang kanyang reklamo at ang nangyari ay kinasuhan siya ng 70 bilang ng kasong cyber-libel ng mag-asawa na tahasang tumanggi sa bintang ng doktor.

Hindi lang mag-asawang Furigay ang naglinis ng kanilang pangalan subalit maging ang kanilang mga kakilala at kababayan sa Lamitan, Basilan.

Subalit sa sobrang desperasyon at kawalang-tiwala sa mga opisyal at ahensiya ng pamahalaan, gumawa ng hakbang itong si Yumol dahil nakakatanggap na raw siya ng mga banta sa kanyang buhay.

Naghiganti ang doktor kaya’t tinambangan niya si ang dating alkalde sa ADMU kung saan ay dumadalo ito at kanyang pamilya ng pagtatapos ng kanilang anak sa College of Law.

Hindi kinakitaan ng pagsisisi si Yumol sa kanyang ginawang pamamaslang kay Furigay, Capistrano at sa guwardiya ng ADMU.

Sa usaping ito, kahit pa may mga batayan ang alegasyon ni Yumol, mali pa rin ang ginawa niyang pamamaril at pagpatay sa mga biktima sapagkat dinala pa rin niya ang karahasan sa kanyang layunin.

Hindi niya puweeng gawing depensa na duda niya na ang mga Furigay ang nagbabanta sa kanyang buhay o ang mga ito ang nasa likod nang pananakot sa kanya.

Paano kung kinakasangkapan lang siya ng mga taong totoong nasa likod nang pagpapakalat ng droga sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao.

Isang doktor o manggagamot si Yumol. Hindi ba’t ang gawain niya dapat at manggamot upang humaba ang buhay ng tao at hindi upang kitlin ang buhay nito?

O bakit inilagay niya sa kanyang kamay ang paghatol sa kapwa?