‘DI KAILANGAN NG DRAMA SA MILITAR

‘DI KAILANGAN NG DRAMA SA MILITAR

January 12, 2023 @ 8:35 AM 3 weeks ago


KUSANG nilisan ni Jose Faustino Jr., dating pinuno ng army at dating defense senior undersecretary at officer-in-charge, ang administrasyong Marcos. Congratulations!

At kasunod nito, si Carlito Galvez Jr., na dating Armed Forces of the Philippines chief of staff, dating vaccine czar, at dating presidential adviser on the peace process, ang naging Kalihim ng Department of National Defense. Congratulations din!

Ang pagkakaiba ng dalawang katangi-tanging dating heneral ng militar ay walang anomang drama sa huli.
* * *

Si Galvez ay simbolo ng isang mahusay na sundalo – ipinadala sa digmaan sa kasagsagan ng Marawi Siege hanggang sa natapos ito; ginawang vaccine czar at kinumpleto ang kanyang misyon; itinalagang peace adviser at ngayon ay defense secretary, at maging ang mga senador na tulad ni Koko Pimental ay nagsasabing hindi na mahihirapan si Galvez sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments dahil sigurado silang gagawin nito ang trabaho.

Wala akong bolang kristal. Pero kahit wala, nakikinita kong hindi lilisanin ni Galvez ang kanyang puwesto dahil lang mahirap ang kanyang trabaho. Hindi ko rin siya nakikitang nagbibitiw sa tungkulin dahil pinalitan ng Presidente ang pinuno ng kanyang sandatahang lakas.

Sa kabila nito, nauunawaan ko ang nararamdaman ni Faustino: ang sakit ng nasaktang ego. Ang nalaman “lang sa mga ulat sa social media na idinaos sa Malacañang ang panunumpa sa tungkulin ng bagong Chief of Staff ng AFP” ay pihadong nagbigay ng labis na kahihiyan sa kanya. Pero itinanggi ito ng Palasyo. Kung gayon, sino ang nagsasabi ng totoo?

* * *

Kapuri-puri rin si Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro sa kalmadong pagreretiro sa tungkulin at sa pagpapahayag ng buong kumpiyansa sa kakayahan, integridad, pagiging makabayan, at propesyunalismo ng AFP sa kanyang pamamaalam dito.

Buo ang dignidad bilang maginoong opisyal na may paninindigan, walang binanggit na anoman si Bacarro na magdudulot ng kontrobersiya sa militar o sa tanggulang pambansa.

Wala rin siyang pahayag tungkol sa pagkadismaya, disgusto, o nabigong pag-asam kahit pa siya ang pangunahing apektado sa pagpapasya ng Pangulo tungkol sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng bagong batas sa termino ng mga pinuno ng militar at sa tradisyunal na pagpili ng grupo ng mga heneral.

Dahil diyan, saludo sa iyo ang sambayanang Pilipino, General, sa tunay na pagmamahal sa organisasyon at pagsasantabi sa sarili mong ambisyon. Kinikilala rin ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin nang sabihin niyang ang isang taong kagaya mo ay posibleng mapagkalooban ng panibagong tungkulin pagkatapos ng iyong military career.

* * *

Bagamat hindi naging paborable para sa iba, ang nangyari ay hindi dapat na nagresulta sa anumang usap-usapan tungkol sa destabilization plot o kawalang kasiguruhan sa serbisyo ng sandatahan.

Ang lahat ay dahil lang sa ego-drama, sa totoo lang, at nabahiran nito ang imahe ng isang institusyong kilala sa pagiging disiplinado ng mga natatanging kalalakihan at kababaihan nito.

Anomang malungkot na kuwento na nasulat tungkol sa matagal nang paghalili ni Centino kay Faustino bilang army chief batay sa panuntunan sa pagtatalaga ng mga nagreretirong opisyal; o ang hindi awtomatikong pagtatalaga sa kanya bilang kalihim ng DND secretary noong lumampas na ang itinakdang petsa ng appointment niya bilang isang kareretiro lang na opisyal ng militar ay, para sa akin, walang kaugnayan sa anomang mabuti o masamang kinasapitan ni Bacarro o ni Centino maliban na lang kung issue ito para sa kanya.

Iyon na nga ang nangyari. At kahit sa samahan ng Philippine Military Academy, nakakahiya ito dahil si Faustino ay kilalang kapwa mistah nina Centino at Bacarro sa “Maringal” Class of 1988.

*        *        *

Sa panig naman ng Philippine National Police — na nasa kalagitnaan ng sarili nitong paglilinis ng hanay — kapuri-puri si Gen. Rodolfo Azurin sa agarang pagbibigay-tuldok sa destabilization drama sa kanilang parte ng EDSA.

Inihayag niya nitong Martes na ang pinanggalingan ng nakaaalarmang memo, na nagsailalim sa PNP sa full alert status dahil sa maling palusot na “nagsipagbitiw sa puwesto ang lahat ng tauhan ng Department of National Defense (DND),” ay natukoy na at mahaharap sa kaukulang asunto.

Ang nakababahalang memo na nagbanggit ng “destabilization movements from the AFP” ay pirmado ni Lt. Col. Dexter Ominga ng Police Regional Office-Cordillera.

Baka nangangailangan siya ng drug test o kaya ng pro-forma courtesy resignation letter na kumakalat ngayon mula sa Camp Crame hanggang sa mga third-level officers ng pulisya.

*        *        *

Nabanggit na rin lang, totoong sa pamamagitan ng drug testing ay napatunayang walang sinuman sa 72 nag-resign na pulis sa National Capital Regional Police Office ang gumagamit ng iligal na droga.

Gayunman, hindi naman ito patunay na walang sinoman sa kanila ang sangkot sa kalakalan ng iligal na droga, na siyang ugat ng problema sa PNP.

Sa kabila nito, maganda ang press release na ito. At alam ito mismo ni P/BGen.  Jonnel Estomo!

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.