‘Di lang COVID, pastillas scam nag-mutate rin; travel agency pinakakasuhan sa NBI

‘Di lang COVID, pastillas scam nag-mutate rin; travel agency pinakakasuhan sa NBI

February 22, 2021 @ 2:17 PM 4 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros  sa National Bureau of Investigation (NBI) na kilalanin at kasuhan ang travel agency na sangkot sa bagong pastillas scam partikular ang pagbabayad ng Chinese nationals sa halagang P550,000 para makapasok sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na nadakip ng NBI sa isang entrapment operations ang isang Vivian Lara, isang liaison officer na nahuling tumanggap ng P900,000 para iproseso ang papeles ng tatlong Chinese nationals sa loob ng tanggapan ni BI prosecutor Atty. Arnulfo Maminta.

“Akala ko COVID-19 lang ang nagmu-mutate, pati pastillas scam na rin pala. Dati pang kasabwat sa korapsyon sa Bureau of Immigration (BI) ang mga travel agencies sa ilegal na pagpapasok ng mga Chinese. May pandemya na, nagpapakasasa pa rin ang mga nansasamantala,” ayon kay Hontiveros.

Sinabi umano ni Lara na kliyente ng isang travel agency ang tatlong Chinese national.

“Mga Chinese na may mga criminal record nakakapasok dahil sa sabwatan ng travel agency at mga korap sa BI. I’ve called for a BI overhaul before and this needs to happen now as it seems the new scam features the same cast of characters,” ayon sa senador.

Noong  nakaraang taon,  pinangunahan ni Hontiveros ang imbestigasyon sa Senado hinggil sa pastillas scam na nagbulgar sa ilang korap na opisyal ng BI na tumatanggap ng P10,000 kada ulo ng Chinese national upang maluwag  na makapasok sa bansa.

Natuklasan din ng senador ang ilang  travel agencies na sangkot sa eskandalo na nag-aalok ng tulong sa Chinese na gustong ipatanggal ang kanilang pangalan sa blacklist ng BI kapalit ng pera.

“This is a direct threat to our national security. We’ve already established that Chinese syndicates have exploited our women and children, among many other unspeakable crimes. Isa sa mga pasimuno ng pagpapasok sa kanila ay mga travel agencies na dati pa ay nagbebenta na ng fake passorts at iba pang pekeng government documents para sa mga Chinese,” ayon kay Hontiveros.

Dahil dito, muling iginiit ni Hontiveros na permanente nang ibasura ang Visa Upon Arrival (VUA) system para sa Chinese national na ginagamit ng sindikato upang magpasok ng kababaihan sa bansa.

Idinagdag ng senador na dapat  dumaan sa masusing proseso ang pagpasok ng Chinese visitor sa bansa na nakamonitor sa Department of Foreign Affairs.

“Dapat matapos na ang VUA. Dapat masibak na ang mga bulok na opisyal sa BI. Dapat mapanagot na ang mga travel agencies. Dapat magkaroon na bakuna kontra korapsyon dahil baka ito pa ang ikamamatay ng Pilipino,” patapos ni Hontiveros. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •