‘Di makatitipid ng pondo sa pagsuspinde sa BSKE – Comelec chair

‘Di makatitipid ng pondo sa pagsuspinde sa BSKE – Comelec chair

August 23, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi makatitipid ng pondo sa pagsuspinde ng 2022 barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at sa halip ay mas marami pa ang magagastos, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Martes.

Ipinaalala ni Garcia sa publiko at mga mambabatas na ang komisyon ay mayroon nang P8.5 bilyong budget para sa pagsasagawa ng BSKE Elections.

“Ibig sabihin kahit ipostpone ‘yung barangay and sk elections, pinostpone mo lang ‘yung panahon ng paghhold nito pero hindi po napostpone ‘yung gastos na ‘yon, meaning ‘yun pa rin ‘yung amount; in fact madadagdagan dahil magkakaroon ng pagpapatuloy ng pagpaparehistro ng mga botante natin,” dagdag niya.

Ang pagtutuloy sa voters’ registration, ayon kay Garcia, ay magdudulot ng mas maraming botante, na mangangailangan ng mas maraming balota, higit na bilang ng voting precincts, at mas maraming indelible ink na gagamitin.

“Ibig sabihin hindi sapat ang budget ngayon at magpapadagdag po kami para doon,” paliwanag niya.

Nauna nang inihayag ni Garcia na gumastos na ang Comelec ng P800,000 sa P8.449 bilyong budget na inilaan para sa December polls.

Sakaling sususpendihin, inihayag ni Garcia na mangangailangan ng karagdagang P5 bilyon, kabilang ang P2 bilyon para sa karagdagang mga materyal at tauhan, at P3 bilyon para sa karagdagang honoraria ng electoral board members. RNT/SA