‘Di nagamit na pondo sa Bayanihan 2 pinaiimbestigahan sa Kamara

‘Di nagamit na pondo sa Bayanihan 2 pinaiimbestigahan sa Kamara

July 6, 2021 @ 2:16 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ipinasisiyasat nina CIBAC Party-List Reps. at House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva at Domeng Rivera ang dahilan ng hindi lubusang paggamit ng gobyerno sa pondong inilaan sa Bayanihan 2.

Inihain ng dalawang mambabatas ang House Resolution 1913 na humihikayat sa Malaking Kapulungan ng Kongreso na alamin kung bakit hindi nagamit o napakinabangan ang natitirang malaking pondong inilaan sa Bayanihan 2 bago ito nag-expired noong June 30, 2021.

“The expiration of unspent Bayanihan 2 funds simply means one thing: we deny our people of their much-needed help and assistance amidst this COVID-19 pandemic when they are already grappling to survive. It is necessary that we look into why this happened and track any bureaucratic bottleneck, inefficiency or negligence that might have led to the lapse of the funds,” ayon kay Villanueva.

Sa ganitong paraan ayon sa dalawang kongresista ay masusuring maigi ang natirang pondo habang hinihimay naman ang papasok na panukalang badyet ng bansa para sa 2022 na nakatakdang ipasa sa Kongreso pagkatapos ng state of the nation address ni Pangulong Duterte.

“It is for this reason that CIBAC filed House Resolution 1913. The findings that will be gained through the called-for investigation will be very helpful for Congress to scrutinize the 2022 proposed budget that will be submitted by the President and to ensure that all appropriations therein are need-based, data-driven and truly responsive to our existing problems,” giit ni Villanueva.

Sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM) meron pang natirang Php 18 bilyong pondo na hindi nagalaw sa Bayanihan 2 hanggang noong May 31, 2021 subalit meron pa ring natirang Php 9 bilyon nitong July 1.

Sa panig naman ni Rep. Rivera ay sinabi niyang malaking katanungan ang hindi paggmit sa nalalabing pondo ng Bayanihan 2 gayung maraming Pilipino ang nangangailangan nito.

“Sobrang kailangan ng mga kababayan natin ang mga pondong ito, kaya nakakapagtaka bakit hindi ito naibababa ng ating pamahalaan. It is just a matter of obligating or committing these funds to the purposes laid down in Bayanihan 2 law so that the same will not revert to the Treasury anymore.”

Samantala, suportado rin ng dalawang kongresista ang panawagan para sa special session upang maipasa ang mga panukalang magpapalawig sa validity ng Bayanihan 2.

Makabubuti anilang maihabol pang mapakinabangan ang nalalabing pondo ng Bayanihan 2 dahil ito ay babalik lamang sa savings na maaring hindi magamit sa pangangailangang may kinalaman sa COVID-19 pandemic. Meliza Maluntag