‘DI PA BA SAPAT NA KATIBAYAN ANG PAGSUKO NG 24K REBELDE?

‘DI PA BA SAPAT NA KATIBAYAN ANG PAGSUKO NG 24K REBELDE?

April 25, 2022 @ 6:40 PM 2 months ago


NAKATUTUWA ngunit kung minsan ay nakakairita na rin ang mga puna at mga pasaring sa kaparaanang ginawa ng Pangulong Duterte para tapusin na ang limang-dekadang insureksyon ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Ang paglalabas ng direktiba ni Pangulong Duterte na E.O. 70 na siya ring bumuo sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, ay ‘di maunawaan ng maraming galit o nais mang-agaw lang ng pamahalaan.

Sarado ba ang kanilang mga pag-iisip?

Ang “whole-of-nation approach” o pagsama-sama ng lahat, kabilang ang mga mamamayan ang diskarte ng Pangulo, para labanan at tapusin na ang mga komunistang-terorista.

Di nila ‘na-gets’ na ang halos 24,000 nagsisukong komunistang-terorista ay katibayan na ng tagumpay ng “whole-of-nation approach.”  .

Ito ngang kaibigan kong si Navy Captain Navy Capt Ferdinand Buscato, Executive Director ng Task Force Balik Loob, ang nagsabi na sa kabuuang  23,641 nagsisuko na sa pamahalaan, 2,052 ay talaga namang mga ‘violent extremists.’

Ngunit halos lahat sa bilang, ang sabi ni Buscato ay namumuhay na nang maayos matapos na sila ay nagsisuko, at tinulungan ng pamahalaan, kasama ang tiyak nilang mga kabuhayan.

Kaya nasabi niya rin, na sana ang susunod na administrasyon ay ipagpatuloy ang programang ito ni Pangulong Duterte. Dahil sa tantiya ng militar, talagang kakaunti na lang ang bilang ng mga komunistang-terorista.

Paanong ‘di sila magsisisuko? Eh sa ulat na ibinahagi ni Director Monico Batle, NTF-ELCAC Action Officer ng Barangay Development Program, ang unang batch nga raw na 822 barangays na dating pinamunugaran ng New People’s Army, ang armadong grupo ng Communist Party of the Philippines, ay namumuhay na rin nang tahimik at nabuhusan na ng mga proyektong galing sa BDP.

Ang pangalawang batch, aniya, na 1,406 mga barangay sa mga liblib na lugar ng bansa ay makatatanggap din ng BDP kahit na ang budget nito ay tinapyasan na ng ating mga senador mula P20 milyon sa P4 milyon na lamang.

May pangatlong batch pa, na mabibiyayaan ng BDP kahit na mga barangay ito, na pinamugaran ng NPA noong ‘di pa presidente si Pangulong Duterte.

Nagbalik-loob ka na, pinaganda pa ang iyong kabuhayan para ‘di ka uli maloko ng mga CPP-NPA-NDF. Ganyan kahusay ang inisip na paraan ni Pangulong Duterte, kaya biglang lobo na ang bilang ng mga nagsisuko.

Ano pa nga naman ang hahanapin ng isang NPA fighter kapag nagbalik-loob na sa pamahalaan?

Ang E.O. 70 at ang BDP ay mainam na paraan para sa inaasam na kapayapaan sa ating mga kanayunan na pineste na ng mga komunistang-terorista sa loob ng limang-dekada nang nakaraan.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!