‘Di pa tapos ang laban,’ NTC igigisa pa sa personalized text scam

‘Di pa tapos ang laban,’ NTC igigisa pa sa personalized text scam

September 12, 2022 @ 6:08 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Grace Poe na nakatakdang magpatawag ng hiwalay na imbestigasyon sa prosesong isinasagawa ng National Telecommunications Commission sa pagsugpo sa kumakalat na personalized text scam pagkatapos mailabas ang committee report sa SIM card registration bill.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na naghahanda ang Senate committee on public services na kanyang pinamumunuan hinggil sa committee report ng panukala pero hindi magtatapos dito ang imbestigasyon, kumbaga, “di pa tapos ang laban.”

“Nakatakdang mabukas ng hiwalay na imbestigasyon ang komite sa mga nakabinbin ng resolusyon upang mailantad ang prosesong isinasagawa ng NTC at iba pang ahensiya sa walang tigil na text scam,” ayon kay Poe na tumutukoy sa personalized text scam na may pangalan ng nakatatanggap.

“Priority natin ngayon na mai-report out iyong sa SIM card registration. Tapos sa susunod, magpapatawag tayo ng inquiry para sa mga resolution tungkol sa proseso ng NTC,” aniya sa interview.

Sinabi ng senador na may ilang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at stakeholders kabialng ang mga telecommunications companies, na nagpahayag n g suporta sa pangangailangan ng lehislasyon upang tuluyan nang masugpo ang delubyo n g text scam.

“Alam din naman ng telcos na kapag paulit-ulit ang text scams, sila rin naman ang responsible du’n, so gusto rin nila may registration,” ani Poe.

Sinabi ni Poe na kapag naisabatas ang rehistrasyon ng SIM card, magiging krusyal na hakbang ito laban sa scammers. Pero, aniya dapat mapagmatyag at maagap ang lahat ng ahensiya at telcos na tiyakin na mapapangalagaan at mababantayan ang privacy at seguridad ng data ng mamamayan na nasa kanilang kustodiya.

“Dapat masuri rin ang best practices at protocol ng mga nangangalaga ng ating data, pero unahin natin ang SIM card registration para naka-one step na tayo,” aniya.

Inaatasan ng panukala ang telcos na iparehistro ang lahat ng SIM Card bilang prerequisite sa pagbebenta at activation nito.

Ani Poe, pinakamahalagang kailangan dito na malaman natin kung paano igagarantiya ng telcos na kanilang mababantayan ang kanilang database laban paglabag at pagkakalat nito.

“Dapat matanong ang telcos, halimbawa may database, sino’ng may access d’yan. Sa ibang bansa, meron din naman mga ads na ipinapadala sa telepono, pero itong sa atin, talagang napakatalamak, niloloko talaga tayo,” aniya.

Kailangan din umanong patingkarin ng NTC ang kanilang monitoring at pagtugon sa reklamo hinggil sa text scams.

Natuklasan pa ni Poe na walang tumatanggap kahit sinuman sa tawag mula sa hotline ng NTC.

“Publicity lang ba ang number na ‘yan?” aniya.

Noong pagdinig nitong nakaraang linggo, nadismaya si Poe nang mabigo ang hepe ng NTC na ilahad ng hotline ng ahensiya.

“Kailangan din alam ng NTC ang gagawin ‘pag nakatanggap ng report, dapat meron itong koneksyon kung sino ang dapat umaksyon, kung PNP (Philippine National Police), NBI (National Bureau of Investigation) o telco,” ayon kay Poe.

“Dapat ang isang ahensya pinapatakbo ng may kapabilidad at mayroon man lang malasakit,” dagdag ni Poe. Ernie Reyes