‘Di pagsusuot ng seat belt pangunahing traffic violation noong 2021

‘Di pagsusuot ng seat belt pangunahing traffic violation noong 2021

August 31, 2022 @ 1:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nangunguna ang hindi pagsusuot ng seat belt sa traffic violation ng mga motorista noong nakaraang taon, ayon sa opisyal mula sa Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules.

Ang Violation of the Seat Belts Use Act ang top traffic infraction mula 2016, ayon kay Atty. Roberto Valera, deputy director at spokesperson ng LTO Law Enforcement Service. 

Nakapagtala ang ahensya noong 2021 ng 110,399 paglabag sa seat belt law, aniya sa panayam.

“Yun ang nakakalungkot kasi number 1 violation ‘yan in 2021 pa rin, maski na gaano na kami dami nahuli,” pahayag ni Valera. 

Ayon pa sa kanya, public utility vehicle (PUV) drivers ang karaniwang violators ng seat belt law. 

“Karamihan kasi sa, ang nakikita namin sa mga jeepneys, yung mga seatbelt ay ginagamit lang nila kung minsan, sandalan ng mga kamay nila, di naman sinusuot, at saka ‘yung nasa harap na mga pasahero ay hindi naka-seatbelt,” giit ng opisyal.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na rekisitos para sa front-facing passengers ng PUVs at private vehicles ang pagsusuot ng seat belts. 

“Ang aming pong thrust towards enforcement is not only about apprehension, meron din kaming education aspect sa enforcement namin kasi proactive po kami. We undertake yung information education campaign dito sa batas na ito,” giit ni Valera. RNT/SA