‘Di pagtabi’ kay Jinggoy sa Senate legacy wall nilinaw ni JV

‘Di pagtabi’ kay Jinggoy sa Senate legacy wall nilinaw ni JV

October 12, 2022 @ 6:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senador Joseph Victor Ejercito na kaya hindi sila nagtabi ni Senador Jinggoy Estrada sa legacy wall ng Senado na pinasinayaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri dahil naitalaga ito bilang deputy majority leader.

Sa kanyang reply sa Twit sa istoryang “PERSONAL NA AWAY; Estrada, Ejercito, ‘di-nagtabi’ sa legacy wall ng Senado na lumabas sa Remate Online, sinabi ni Ejercito na nasa gitna ang Senate leaders kaya’t nailagay siya katabi nina Zubiri, Senate President Pro-Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva.

“Senate leaders nasa gitna, being Assistant Majority Leader kaya ako nailagay katabi nina SP Migz, Sen. Loren at Majo Joel,” ayon kay Ejercito sa kanyang Twitter account.

Walang binanggit si Ejercito sa sinasabing “personal na away” nilang magkapatid sa ama, kay dating Presidente Joseph Estrada.

Sa naturang legacy wall ng Senado, makikita ang litrato ng kasalukuyang miyembro ng 19th Congress nakalagay sa “alphabetical order.”

Ngunit mapapansin sina Estrada at Ejercito na pinagitnaan sina Senador Sherwin “Win” Gatchalian at Christopher Lawrence “Bong” Go.

Dahil alphabetical order, nanguna sa hanay ng litrato sa kaliwanag bahagi si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na sinundan nina Senador Nancy Binay, magkapatid na Alan Peter at Pia Cayetano; Ronald Dela Rosa, Francis “Chiz” Escudero, Estrada, Gatchalian, Go, Ejercito, at Mark Villar.

Nasa gitna ng kalahatan sina Legarda, Zubiri at Villanueva. Katabi nila sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

Nasa kanang bahagi naman ng legacy wall sina Senador Risa Hontiveros at sinundan nina Senador Lito Lapid, Imee Marcos, Robin Padilla, Grace Poe, Ramon Revilla Jr., Francis Tolentino. Raffy Tulfo at Cynthia Villar.

Ipinaliwanag naman ng isang staff ng Public Relation and Information Bureau (PRIB) na kaya nakatabi si Ejercito kasama si Villar sa liderato ng Senado dahil kapwa sila deputy majority leader katulad ni Pimentel na minority leader.

May sukat na 19.97 meter x 3.13 metro ang mural na nakalagay sa ikalawang palapag ng Senado na bahagi ng isang buwang selebrasyon ng 106th Anniversary ng Senado. Ernie Reyes