‘Di pagtanggap sa mga buntis bilang empleyado, bawal na

‘Di pagtanggap sa mga buntis bilang empleyado, bawal na

November 22, 2022 @ 5:48 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa sinumang employer na hindi tatanggap sa mga babaeng empleyado dahil ito ay buntis.

Sa oras na maisabatas, aamyendahan ng House Bill 4479 ang House Bill 4479 na inakda ni Calamba Rep. Charisse Anne Hernandez.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Hernandez na maraming mga kababaihan na bagama’t buntis ay kaya pa rin na magtrabaho, hindi umano dapat na maging diskriminasyon ang pagiging babae at gamitin ang katangian nito gaya ng pagbubuntis at pagkakaroon ng buwanang dalaw para hindi matanggap sa inaaplayang trabaho.

“A woman being a woman has nothing to do with their work ethics productivity and efficiency as a member of our labor force,” pahayag ni Hernandez.

Nakasaad sa panukala na bawal ang hindi pagtanggap sa trabaho, mabigyan ng promosyon, training opportunity, scholarship grant, unahin sa retrenchment, o huwag bigyan ng benepisyo ang isang empleyado dahil sa pagiging isang babae.

Sinumang lalabag na employer ay maaaring patawan ng multa na P50,000 hanggang P200,000 gayundin ang pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon. Gail Mendoza