‘DI PATAS NA REPORT TUNGKOL SA PINAS

‘DI PATAS NA REPORT TUNGKOL SA PINAS

July 13, 2021 @ 7:27 PM 1 year ago


MAY double whammy ang bansa natin noong nakaraang linggo.

Una, nabunyag sa isang pag-aaral ng World Bank na mahigit 80 porsiyento ng mga Filipinong estudyante sa elementarya at high school ang nangangamote raw nang hindi man lang umabot sa minimum proficiency ng pagkatuto sa kanilang grade levels. Ikalawa, nangulelat ang Pilipinas sa ranking ng Global Finance magazine ng 134 pinakaligtas na bansa sa mundo.

Sa simpleng paliwanag, sinabi ng multilateral financial institution na nasa Washington na walo sa 10 batang Filipino ang kapos ang nalalaman para sa kanilang edad, habang para sa publishing outfit sa New York, ang Pilipinas ang pinakadelikadong bansa para tirahan.

Ilang araw makaraang kondenahin ng Departments of Education at Finance ang report sa sektor ng edukasyon, humingi ng paumanhin ang WB sa ating gobyerno at tinanggal ang nabanggit na report sa website nito.

Respetado at suportado ng mga estadistika mula sa 2018 Program for International Student Assessment (PISA) at 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na ginawa sa bansa para sa Grades 4 at 5 at edad 15, ayon sa pagkakasunod, dapat na pinanindigan ng WB ang kanilang report kung ito ay wasto at pinal na.

Pero tatlong dambuhalang punto ang inilatag ni DepEd Secretary Leonor Briones.

Una, luma na ang datos na pinagbatayan ng pag-aaral.

Ikalawa, ang findings ay hindi ibinahagi sa DepEd para sa rejoinder.

Ikatlo, bilang isa sa mga nagpopondo sa mga programang pang-edukasyon ng Pilipinas simula 1981, hindi ba’t mistulang pinulaan ng WB ang sarili nito sa pagbubunyag sa kaawa-awa raw na kalagayan ng edukasyon sa bansa gayung may sarili itong ambag sa sitwasyon at nakikipagnegosasyon pa nga para sa panibagong $210-million loan para sa DepEd?

At para saan?

Upang patuloy na pondohan ang sinasabi nitong palpak na programang pang-edukasyon?

Tungkol naman kay Marc Getzoff ng Global Finance magazine na nasa likod ng report na tumukoy sa Pilipinas bilang pinakamapanganib na lugar sa mundo, kuwestiyonable para sa akin ang kanyang integridad bilang mamamahayag.

Sinabi ni Getzoff na ang ranking niya sa Pilipinas ay ibinatay sa tatlong bagay – digmaan at kapayapaan, personal na seguridad, at panganib sa mga kalamidad.

Kaagad pinabulaanan ni Gen. Guillermo Eleazar, PNP Chief, ang punto ni Getzoff ukol sa personal na seguridad at kapayapaan at kaayusan sa bansa gamit ang aktuwal na mga datos.

Ginagarantiya ko sa inyong walang pulis sa Pilipinas ang haharangin ang isang tao dahil sa kulay ng kanyang balat at hindi sasaktan dahil lang sa hugis ng kanyang mata.

Hindi ko alam kung anong news packets mula sa Pilipinas ang pinagbababasa ng  New York journos na ito, pero may simpleng paraan para makumpirma ang impormasyon na posibleng galing sa ‘di mapagkakatiwalaang source.

Alam ng bawat propesor sa Journalism ang trick na ito, kaya tandaan mo ito, Mr. Getzoff:

“Kung gusto mong malaman kung umuulan sa labas, huwag mong tawagan ang weatherman… lumabas ka ng bahay at alamin kung umuulan nga!”